JOLO, Sulu – Sa pagsisikap na mas maging produktibo at pagpapatuloy ng agri-fishery sa Bangsamoro region, nag-organisa ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng mass distribution ng fisheries inputs para sa mga mangingisda sa probinsya.
Noong ika-14 ng Nobyembre, nakatanggap ang mga benepisyaryo ng mga mahahalagang kagamitan, kabilang dito ang Seaweed Farm Inputs (SFI), na gumagamit ng bottom staked method at floating monoline method, pati na rin mga nonmotorized boats at boat engines.
Binigyang-diin ni Chief of Admin and Finance Wendy Reyes, na siyang kumatawan kay MAFAR-Sulu Provincial Director Alfie Iribani, ang kahalagahan ng tamang pangangalaga nito upang matiyak na magagamit nang matagal ang mga ipinamahaging kagamitan.
“Mangyari lang po na paki-alagaan ang mga kagamitang iyan, lalo pa na nakasalalay ang pagpapatuloy ng produktibidad nito sa wastong pag-iingat at paggamit ng mga ito,” sinabi ni Reyes sa mga benepisyaryo.
Samantala, tinalakay naman ni Chief of Fisheries Division Fardia Abduhasad ang mga detalye ng distribusyon at idiniin na ang mga target na benepisyaryo ay kabilang sa mas malaking komunidad ng fishing at seaweed farming.
Kasama ang mga Municipal MAFAR Officers ng bawat munisipalidad ay naisagawa ni Abduhasad ang pamamahagi ng mga inputs.
Nagpasalamat din ang mga benepisyaryo para sa paghahandog ng mga kagamitang ito at kinilala ang pribilehiyong naramdaman nang sila ay mapili bilang isa sa mga makatatanggap ng nasabing proyekto.
Nagsisilbing testamento ng commitment ng BARMM ang naturang mass distribution sa pagpapalakas ng mga lokal na mangingisda at sa pagsulong ng sustainable na mga kagawian sa aquaculture na siyang magpapabuti ng industriya ng fishing at seaweed farming sa rehiyon. (Alline Jamar M. Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO with reports from MAFAR-Sulu)