COTABATO CITY—Lumagda sina Minister Atty. Naguib Sinarimbo ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) at Minister Melanio Ulama ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA) noong ika-12 ng Hulyo ng isang Joint Memorandum Circular na magbibigay-daan sa mandatoryong partisipasyon ng Indigenous Cultural Communities o Indigenous Peoples (ICCs/IPs) sa mga local legislative councils at policy making bodies.
Nakasaad sa circular ang mga guidelines para sa mga local government units, indigenous cultural communities, at mga ministry at ahensya sa BARMM para sa pagpapatupad ng Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR) sa Bangsamoro region.
Sinabi ni Minister Ulama na ito ay isang malaking tagumpay sa IP communities dahil ito ay magpapalakas ng kanilang partisipasyon sa gobyerno.
“Ang IPMR ay mag-uumpisa sa barangay, sa municipal, provincial then papunta sa region. Sila yung magre-presenta sa mga IP communities,” pahayag ni Melanio.
“Malaking bagay at tulong ito sa mga IPs. Ang ating gobyerno (Bangsamoro government) ay tinutulungan ang mga IP community na i-preserve ang kultura naming nang sa ganoon ay makilala, matulungan at magkaroon ng tunay na kapayapaan at kaunlaran,” dagdag niya.
Narito ang mga kinakailangan upang maging isang IPMR: bona fide member ng IP community na nais irepresenta; marunong magsulat at magbasa; physically, mentally, at morally fit; natural born Filipino citizen; nasa 18-taong gulang sa araw ng assumption; at iba pang kwalipikasyon na maaring irekomenda sa kanilang ICC/IP local guidelines.
Kabilang naman sa mga tungkulin ng IPMR ay ang pagtulong sa pagbabalangkas ng IP agenda sa komunidad, pagsagawa ng regular na pagpupulong at konsultasyon sa mga IP sa kanyang nasasakupan sa pakikipag-ugnayan sa mga IPS/Council of Leaders/Elders, pagpapadali sa probisyon ng pinansyal na suporta para sa pagpapatupad ng IP agenda, at marami pang iba.
“Today’s joint memorandum circular puts emphasis on the ability of IPs to participate in an important branch of government, the level of LGUs, and that is the Sanggunian,” saad ni Minister Sinarimbo.
“Kami [MILG] yung nagsu-supervise ng mga LGUs natin sa region. ‘Yung indigenous peoples, lalo na ang MIPA, would ensure the processes na in-adapt nila para doon sa pagpili (ng representative) ay masunod— once na nasunod, yun ang isa-submit nila sa mga LGUs then we will certify na sila yung napili ng IPs,” dagdag niya. (Myrna S. Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)