MAGUINDANAO DEL NORTE –Nakatanggap ang mga pamilyang naapektuhan ng flash floods sa Matanog, Maguindanao del Norte, at sa Balabagan, Lanao del Sur ng mga food packs, non-food items, at cash assistance mula sa national government.
Noong Linggo, ika-14 ng Hulyo, ay personal na ipinamahagi ni Special Assistant to the President Secretary Antonio Lagdameo Jr. at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang tulong.
Sa Matanog, tumanggap ng P10,000 bawat isa ang 286 pamilya na tuluyang nasira ang bahay, samantalang 76 pamilya naman na partially damaged ang bahay ang tumanggap ng P5,000 kada isa. Dagdag pa rito, P10,000 din ang naibigay bilang burial assistance para sa dalawang pamilya.
Samantala, sampung pamilya naman sa Balabagan na nawasak ang tahanan ang tumanggap ng P10,000, at 157 pamilya na nasira ang bahay nang bahagya ang tumanggap ng P5,000. Dalawang pamilya rin ang nabigyan ng P10,000 bilang burial assistance dulot ng pagkasawi ng miyembro ng kanilang pamilya.
Dagdag pa sa tulong pinansyal, nakatanggap din ang mga apektadong pamilya ng food packs at iba pang mahahalagang kagamitan.
“Dito sa BARMM, kung anuman ang magagawa natin, gagawin natin. Kailangan nating palawigin ang mga tulong at suporta na kinakailangan. Buo ang suporta ng National Government at BARMM Government para sa agarang pagbangon ninyo,” sinabi ni Lagdameo, at binigyang-diin ang prayoridad na ibinibigay sa mga pangangailangan ng mga biktima ng baha sa rehiyon.
Ang isinagawang distribusyon ay dinaluhan ng mga provincial at municipal personnel mula sa Ministry of Social Services and Development, Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua, Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr., Maguindanao del Norte Lone District Representative Sittie Shahara Mastura, Matanog Mayor Zohria Basil-Guro, at Mindanao Development Authority (MinDa) Secretary Leo Tereso Magno.
Muling binigyang-diin ni Secretary Magno ang commitment ng ahensya sa patuloy na suporta at nangako na mahigpit na makikipagtulungan sa DSWD, BARMM Government, at iba pang kaugnay na ahensya upang matugunan ang kasalukuyang hinaharap na mga hamon sa Mindanao.
“Mahal po ng Presidente ang Mindanao, ang Maguindanao del Norte, at ang Matanog kaya nandito kami,” pahayag ni Magno.
Nagsagawa rin ng diskusyon ang mga opisyales patungkol sa karagdagang tulong para sa mga biktima, kasunod ng ibinigay na direktiba mula kay President Ferdinand Marcos, Jr. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MinDa)