MAGUINDANAO DEL NORTE—Malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF) sa puwersa ng kapulisan kahapon, ika-29 ng Abril, sa pagtatapos ng Bangsamoro Police Basic Course Batch 2023-01 class of Alpha Bravo “BAKAS-LIPI” dito sa Munisipalidad ng Parang.
Personal ding tinunghayan ng Pangulo ang graduation ceremony ng 100 bagong police recruit kung saan 92 rito ang kalalakihan at walo (8 naman ang kababaihan, bahagi ng probisyon ng Republic Act of 11054 o ang Bangsamoro Organic Law (BOL) na nagtatakda ng mga polisiya sa Bangsamoro
Sa kanyang mensahe para sa mga nagsitapos ay idiniin niya na ang tagumpay na kanilang naabot ay nangangahulugan ng isang malaking karangalang may karampatang malaking responsibilidad.
“Tunay na malaking karangalan ang nakamit ninyo ngunit kaakibat nito ang mabigat na pasanin na responsibilidad na nangangailangan ng matinding pagsisikap. Ang inyong misyon ay higit pa sa paglilingkod at pangangalaga sa mga kababayan natin. Kayo ang tutulong sa pagsusulat ng isang bagong yugto para sa Bangsamoro tungo sa mas tahimik at matiwasay na kinabukasan,” sinabi ng Pangulo.
Dagdag pa niya na ang pagsasanay at ang graduation ceremony ay hindi lamang bilang pagtutupad sa obligasyong naisaad sa BOL.
“Napakalaki ng nakasalalay sa inyong bagong katungkulan dahil nasa kamay ninyo ang pagkamit ng ating patuloy na tagumpay,” pahayag niya.
Maikling background sa Bangsamoro policing
Kasunod ng pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM0 noong 2019, ang Bangsamoro Government na pinangunahan ni Chief Minister Ahod Ebrahim ay pumasok sa isang kasunduan kasama ang National Police Commission (NAPOLCOM) noong ika-17 ng Abril 2022 para sa pagsasagawa nito ng Special Eligibility Examination (NSQEE) para sa mga miyembro ng MILF at MNLF.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, 5,060 indibidwal ang inaasahang dahan-dahang makapapasok sa Philipine National Police (PNP).
Noong 2023 naman ay inilabas ng NAPOLCOM ang Resolution 2023-0380 nito na siyang nag-aapruba sa rekomendasyon ng PNP na maglaan ng 400 slot para sa recruitment ng mga dating miyembro ng MILF at MNLF na ginagabayan ng BOL.
Pagkaraan ng dalawang taon nang malagdaan ang MOU, ang kasunduan ay nagbunga sa pagtatapos ng unang batch kung saan 294 ang nanumpa bilang ganap na miyembro ng kapulisan matapos makumpleto ang kanilang basic recruit course.
Ayon sa PNP, ang mga nagsipagtapos ay dadaan sa panibagong anim na buwan na pagsasanay na tinawag na PNP Field Training Program (FTP) kung saan magkakaroon sila ng aktwal na karanasan sa pagsasagawa ng kanilang katungkulan gaya ng pagpapatrol, pagtatrapiko, at pag-iimbestiga.
Ang seremonyang idinaos kahapon ay tinunghayan ni Chief Minister Ebrahim, Budget and Management Secretary Ameenah Pangandaman, Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez, Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr., PNP Chief Rommel Marbil, at iba pang mga pangunahing opisyales. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)