Cotabato City (May 26, 2020)—Nakapagtala ang Ministry of Health ng Bangsamoro Autonomous Region (MOH-BARMM) ng labing isang (11) bagong kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease (Covid-19) sa rehiyon nitong ika-26 ng Mayo.
Ayon kay Health Minister Dr. Safrullah Dipatuan, ang mga bagong kaso ay kabilang sa labing-anim (16) na mga estudyante mula sa lungsod ng Cebu na pinabalik sa rehiyon sa pamamagitan ng programa ng gubyerno para sa mga Locally Stranded Individuals (LSI).
Kamakailan, isang bente-dos (22) anyos na lalaking estudyante mula sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, na kabilang din sa labing-anim na mag-aaral mula sa Cebu, ang nagpositibo sa nasabing sakit.
“Noong una ay mayroon tayong isang kaso ng Covid-19 sa mga estudyante mula sa Cebu, ngunit ngayon ay nadagdagan ito ng labing-isa (11),” sinabi ni Dipatuan sa isang virtual presser.
Ayon kay Dipatuan, walang dapat ipangamba ang publiko dahil ang mga estudyante na dumating sa Maguindanao noong Mayo 15 ay deretsong dinala sa isolation facility ng Maguindanao Provincial Hospital.
“Hindi sila pinayagang makauwi agad. Sila ay na-quarantine sa loob ng 14 na araw at sumailalim sa testing,” sabi ni Dipatuan.
Ang 11 bagong mga kaso ay mula sa mga bayan ng Sultan Kudarat (5), Shariff Aguak (1), Datu Piang (1), Buluan (1), South Upi (1), Datu Odin Sinsuat (1), at Datu Paglas (1).
Ang natitirang apat (4) na estudyante ay nagnegatibo sa sakit ngunit patuloy paring sumasailalim sa striktong quarantine.
Dagdag pa ni Dipatuan, “ang mga pasyente ay nasa maayos na kalagayan at kasalukuyang sumasailalim sa strict isolation.”
Dagdag ni Dipatuan, patuloy silang tatanggap ng mga residenteng nag-avail ng LSI program at Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program dahil karapatan ito ng mga residente, ngunit kailangan nilang sumailalim sa RT-PCR testing upang makasiguro. “Ang rapid anti-body testing ay hindi kasing reliable ng RT-PCR, dahil base sa initial na rapid test na ginawa sa 16 estudyante, apat lamang ang nagpositibo.”
“Sino ang tatanggap sa kanila kung hindi natin sila tatanggapin?” ani Dipatuan.
Sa ngayon, ang BARMM ay nakapagtala na ng dalawampu’t tatlong kumpirmadong kaso ng Covid-19 – labing tatlo (13) rito ay mula sa probinsya ng Maguindanao, siyam (9) mula sa Lanao del Sur, at isa (1) naman mula sa Sulu.
Sa mga kasong ito, apat (4) ang binawian na nang buhay, pito (7) ang gumaling, at labing dalawa (12) ang patuloy na naka – confine sa ospital.
Samantala, ang Bangsamoro Government ay patuloy na nakikipag-uganayan sa mga hotel sa rehiyon upang magsilbing quarantine para sa labing-isang (11) Overseas Filipino Workers (OFW) na pinabalik rin sa rehiyon.
Sa ngayon ang mga OFW ay naka-isolate sa hiwalay na Covid-19 facility sa Maguindanao Provincial Hospital.
“Ang mga OFW ay sumailalim na rin sa Laboratory testing via RT-PCR at lahat sila ay nag-negatibo,” ani Dipatuan. “Gayunpaman, sa kabila ng pagiging negatibo nila sa nasabing sakit, hindi tayo pwedeng mag-kompiyansa. Kinakailangan parin nilang sumailalim sa 14-days quarantine bilang bahagi ng pagpapatupad sa Covid-19 guidelines.”
Nakasaad sa Section 4 ng Social Welfare Health and Employment ng Executive Order No. 114 ni Pangulong Rodrigo Duterte, na mayroong “comprehensive assistance packages” na naglalayong hikayatin ang mga indibidwal na kusang umuwi sa kani-kanilang bayan , lalo na ang mga stranded sa National Capital Region (NCR) dahil sa Enhanced Community Quarantine.
Binigayang diin ni Dipatuan na ang lahat ng mga magbabalik bayang OFW ay dapat munang muling masuri bago sila pabalikin.
“Sa kanilang pagbabalik sa rehiyon, kailangan nilang ma-test ulit, lalo na ngayong mayroon nang laboratory testing center sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC),” sabi ni Dipatuan. (Bureau of Public Information)