SPECIAL GEOGRAPHIC AREA—Tumanggap ang 27 kooperatiba ng mga magsasaka ng iba’t ibang agricultural input mula sa Bangsamoro Government sa isang idinaos na seremonyo noong ika-5 ng Marso sa Salunayan, Midsayap Cluster.
Ang pamamahaging ito ay kabilang sa livelihood support program na Oplan Bangsamoro Rapid Assistance (OBRA), sa ilalim ng Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) Project—isa sa mga flagship program ni Chief Minister Ahod Ebrahim na nagbibigay ng agarang suporta sa mga Bangsamorong nasa loob at labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Nagkakahalaga ng P11.9-milyon ang mga agricultural input, na ibinigay upang mapabuti ang produksyon ng bigas at mais sa SGA.
Kabilang sa mga nasabing input ang mga fertilizer, insecticide, herbicide, ‘palay’ certified seed, hybrid corn seed, at suporta para sa livestock industry.
Ayon sa isang post sa opisyal na social media account ng SGA Development Authority (SGADA), na pinangungunahan ni Administrator Butch Malang, ang sa nasabing seremonya ay sumisimbolo sa pagtutulungang nakatuon sa pagpapaangat ng pamumuhay sa mga liblib na lugar, partikular sa SGA.
Ang SGA ay isang teritoryo ng BARMM na nakakalat sa iba’t ibang munisipalidad ng Cotabato Province at naitatag matapos ang isinagawang plebisito noong 2019, kung saan napabilang dito ang 63 brangay mula sa mga munisipalidad ng Carmen, Kabacan, Pikit, Midsayap, at Pigcawayan.
Kalaunan ay napagsama-sama ang mga barangay na ito sa walong grupo bilang preparasyon sa pagiging local government unit nito. Sa darating na ika-13 ng Abril ay isang plebisito ang isasagawa upang maratipikahan ang mga batas na naipasa sa regional parliament upang maitatag ang walong bagong bayan sa lugar.
Ayon sa kasalukuyang batas, anumang pagbubuo, paghahati, pagsasama-sama, abolisyon, o makabuluhang pagbabago sa hangganan ng teritoryo ng mga local government unit ay nangangailangan ng pag-apruba ng mayoryang boto sa isang plebisito na gagawin sa loob ng apektadong political unit.
Personal mismong dinaluhan ni SGADA Administrator Butch Malang ang distribusyon kasama ang TABANG Livelihood Unit Head Mohammad Asnur Pendatun, kasama ang ibang opisyales mula sa parehong opisina. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa TABANG at SGADA)