Mapapakinabangan na ng mga mag-aaral mula sa madaris (paaralang Arabic) sa Cotabato Province ang bagong-tayong school building na handog ng Bangsamoro Government.
Naiturnover ng opisina ni Member of the Parliament (MP) Engr. Aida Silongan, kasama ang mga pangunahing opisyales mula sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE), ang tatlong bagong one-story classroom na inilaan para sa madaris noong ika-7 ng Marso 2024.
Ang bawat gusali ay may sukat (floor area) na 128 square meters na mapakikinabangan ng mga mag-aaral ng Madrasah Mentok sa Barangay Damatulan, Midsayap Cluster, Mahad Darul Ahlil Ijtima, at Madrasatol Hissatol Jareed na parehong nasa Barangay Pedtad, Kabacan Cluster.
Nasa P6.5-milyon ang kabuuang halaga ng tatlong pasilidad na pinondohan gamit ang Transitional Development Impact Fund (TDIF) ni MP Silongan.
Sa isang pahayag na inilathala sa official Facebook page ni MP Silongan, sinabi niya na, “ang inisyatibang ito ay nagbibigay-diin sa commitment na makapagbigay ng de-kalidad na edukasyon at mapabuti ang access sa mga learning facility, lalo na sa mga lugar na kalimitang di naaabot ng serbisyo.”
“The ceremony celebrated not just the completion of infrastructure but also highlighted the shared determination to ensure that every child in BARMM has access to quality education, paving the way for a brighter future,” the post reads.
(“Hindi lamang pinagdiriwang ng naturang seremonya ang pagkakakumpleto ng imprastraktura kundi binibigyang-diin din nito ang magkabahaging determinasyon upang matiyak na bawat bata sa BARMM ay may access sa de-kalidad na edukasyon, na siyang magbibigay-daan sa mas maliwanag na hinaharap, ayon sa post.)
Base sa Bangsamoro Education Code, ang Madaris ay ang pangmaramihang tawag sa salitang Madrasah—isang salitang Arabic para sa paaralan na tumutukoy sa isang institusyong pang-edukasyon na community-based at pribadong pinapatakbo, kung saan gamit ang lengguwaheng Arabic sa pagtuturo ng Islamic studies at Arabic literacy bilang pangunahing pinagtutuunan.
Nakasaad sa Section 54 ng Education Code na “Ang Bangsamoro Government ay kailangang magbigay ng two parallel formal systems sa paghahatid ng de-kalidad na basic education – ang “Public School System” at ang “Public Madrasah System”. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa Office of MP Silongan)