WAO, Lanao del Sur —Limampung (50) housing units sa ilalim ng flagship project ni Chief Minister Ahod Ebrahim ang naiturn over na sa mga benepisyaryo nito noong Huwebes, ika-6 ng Hunyo 2024 sa Barangay Buot nitong bayan.
Ang mga naturang housing unit ay inilaan ng Kapyanan sa Pamayanan o KAPYANAN ng Office of the Chief Minister para sa mga kinokonsiderang ‘poorest of the poor’, internally displaced persons, biktima ng kaguluhan, indigenous people, at iba pang mga miyembro ng mga mahihirap na komunidad.
Naging posible ang pagpapatayo nito sa tulong ng First District Engineering Office ng Ministry of Public Works (MPW) Lanao del Sur.
Nagpasalamat naman si District Engineering Abolcair Langilao sa Bangsamoro Government dahil sa tiwalang ibinigay sa kanilang opisina sa pag-iimplementa ng isa sa mga mahahalagang proyekto ng regional government.
“Marami tayong mga proyekto parehong regular at special project na ipinapatupad at tayo ay nagagalak na maayos natin itong naiimplementa,” sinabi ni Langilao.
Habang isinasagawa ang seremonya ay nagpahayag ng pasasalamat ang isa sa mga benepisyaryo ng kanyang kasiyahan sa pagkakabilang niya sa limampung pamilyang makatatanggap ng bahay.
“May bahay kami pero gawa ito sa mga light materials na sira-sira na ngayon matapos ang ilang taon,” pahayag ng 45-gulang na si Asalan Ampatua.
Sinabi ni Ampatua, may apat na anak at isang mahusay na manggagawa, sa edad niya ay hindi na niya kaya pa ang mga mabibigat na trabaho dahil sa komplikasyon sa kanyang kalusugan kaya naman sobrang nagagalak ang kanyang pamilya nang makatanggap ng sila ng bahay mula sa Bangsamoro Government.
Kahit pa naging mapanghamon ang pinagdaanan sa pagbibigay ng pabahay dahil sa kawalan ng lupang mapagtatayuan nito, naaksyunan kaagad ito dahil sa malugod na pagbibigay ng mga dating opisyales at pampublikong lingcod na nakatira sa lugar ng 1.5-ektaryang bahagi ng kanilang lupa.
Sinabi ni LOminog Polayagan na bago ang kanyang pagreretiro sa serbisyo sa gobyerno noong 2018, noon pa man ay pangarap niya nang makapatatag ng isang komunidad kung saan pag-ibig, respeto, at Islamic values ang nangingibabaw.
“May layunin akong gawing isang maunlad na komunidad ang nayong ito, na noon pa man ay pangarap ko na,” pahayag niya.
Pinaalalahanan naman ni KAPYANAN Project Manager Engr. Mohammad Abdullah ang mga benepisyaryo na alagaan ang mga bahay at sinabi na patuloy silang magmo-monitor kahit pa nai-turn over na ang mga ito upang masiguro na ito ay nagagamit nang tama.
“May mga dedikadong staff tayo na magmo-monitor ng ating pasilidad upang matiyak na ang mga benepisyaryo ay sumusunod sa kasunduan,” sinabi ni Abdullah.
Dagdag pa niya na ang inisyatibang ito ay bahagi ng nilagdaang kasunduan ng KAPYANAN at mga benepisyaryo kung saan mahigpit na naisaad ang tamang paggamit sa bahay at iba pang mga kondisyon.
Binigyang-diin ng KAPYANAN na ang naturang proyekto ay pinondohan ng defunct Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at ang implementasyon ay naituloy nang maratipikahan ang Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law noong 2019. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)