LANAO DEL SUR—Kamakailan lamang ay pinasinayaan ang isang kapansin-pansing 2-storey barangay hall sa bayan ng Salipongan, Balindong, Lanao del Sur, na tila nagtakda ng bagong pamantayan para sa pagpapatayo at pagpapalamuti ng isang village hall, na ngayon ay nagpapamangha sa mga bisita dahil sa atensyon sa detalye at angking husay ng arkitektura nito
Ang nasabing pasilidad ay pinondohan ng Bangsamoro Government sa pamamagitan ng Ministry of the Interior Local Government (MILG) at pinasinayaan noong ika-17 ng Mayo upang agarang makapagbigay serbisyo sa mamamayan.
Dinisenyo ito ng mga technical experts ng MILG ngunit nag-ambag din ng ideya ang lokal na pamahalaan sa ibang interior at exterior na disenyo nito upang mas maging kaayaaya sa paningin at komportable para sa mga empleyado nito.
Ang gusali ay may comfort at shower room, conference room, opisina, at isang veranda sa ikalawang palapag kung saan pwede kang lumanghap ng sariwang hangin habang pinagmamasdan ang magandang tanawin ng bayan.
Ang bintana nito sa unang palapag ay may kahanga-hangang maliliit na salaming parisukat na may mga color segment at maaring buksan nang paisa-isa, na siyang mas nagpapabuti sa pagdaloy ng hangin at nagbibigay ng mas maaliwalas na bentilasyon.
Bubungad ang kumikinang na chandelier sa itaas at mala-palasyo ang pakiramdam habang umaakyat sa hagdan.
Ang paggamit ng disenyong ‘okir’ sa beam ends ng gusali ay kapansin-pansin din. Ang okir ay isang pattern na inuukit sa kahoy, brass, silver, at madalas napagmamasdan sa mga wall paintings, na nagtataglay ng curvilinear lines at Arabic geometric figures, na siyang kumakatawan sa masining na likha ng mga Maranao.
Dagdag pa rito ay kapuri-puri rin ang functionality ng mga pasilidad dahil sa pagkakaroon nito ng maayos at gumaganang water at lighting system.
Ayon pa kay local chief executive Amer Reggie Bagul, personal niya mismong binabantayan at pinapangasiwaan ang implementasyon ng iba’t ibang infrastructure project na inilalaan sa bayan nila at di umano ay gusto nya ring hindi lamang matibay, ngunit kaaya-aya rin igton pagmasdan.
“When it comes to infra project, gusto po talaga namin na maganda ito, both structure at sa mata,” sinabi ng bagitong alkalde.
Kinumpirma niya na mayroon pang apat na Barangay hall na galing din sa BARMM ang itinatayo na at may kahalintulad na standard ng pagpapatayo ng naturang village hall.
Ibinahagi rin ni village chief Assha Said na ang kanilang saya dahil sa wakas ay natapos na ang maraming dekada ng kawalan ng maayos na village hall sa kanilang lugar.
“As far as I remember, this is the very first barangay hall established in our barangay,” pahayag ni Said.
Dagdag pa niya ay noong bago pa lang siyang nagsilbi bilang chairwoman ay kahit ang garahe ay kanilang nagagamit para lamang makapagbigay ng serbisyo sa mga kababayan nito.
Ang matagumpay na implementasyon ng kahanga-hangang proyektong ito ay naabot sa pamamagitan ng pagtutulungan ng butihin alkalde ng bayan at ng mahusay na village chairwoman.
Samantala, nagpahayag din si Atty. Naguib Sinarimbo ng MILG, na dumalo rin sa nasabing okasyon, ng patuloy na dedikasyon nito sa pagtitiwala ng mga darating pang mga proyekto sa LGU.
“Certainly in the Municipality of Balindong, hindi lang po nasunod yung specifications bagkus ay lumagpas pa kaya parang gusto ko na lang i-MOA sa inyo lahat ng projects,” masayang sinabi ni Sinarimbo.
Ibinahagi rin niya na ang pagtatayo ng mga imprastraktura katulad ng barangay hall, public market, police station, legislative building, at marami pa ay ilan lamang sa pagsisikap ng regional government na mas mapalakas pa ang local governance.
Maliban sa pinasinayaang hall ay nagsagawa rin ang mga eksperto at project implementation team mula sa MILG ng inspeksyon ng mga ipinapatayong mga proyekto sa Lanao del Sur (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)