LAMITAN CITY—Opisyal na itinurn over ng Bangsamoro Government ang 50 disenteng kabahayan sa mga karapat-dapat na benepisyaryo—mga dating Moro Islamic Liberation Front (MILF) combatant at mga biyuda—sa gitna mismo ng Barangay Tuburan, Muhammad, Muhammad Ajul, Basilan noong ika-2 ng Mayo 2024.
Nagsilbing bagong simula ang naturang seremonya para sa mga indibidwal na ito, di lamang dahil sa naibigay na tahanan, ngunit dahil din sa naidulot na panibagong pag-asa para sa kanilang kinabukasan na niyayakap ang buhay sibilyan.
Ginanap ang turnover ceremony sa Sitio Marang-Marang 114th MILF Base command na pinangunahan ni Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) Minister Atty. Hamid Aminoddin Barra, Deputy Minister Aldin Asiri, Director General Esmael Ebrahim, dating MP at kasalukuyang MENRE Deputy Minister Muslima Asmawil, at Provincial Director Ibrahim Haruddain, bukod sa iba pa.
Binigyang-diin dito ni Minister Barra ang naging inisyatiba ng yumaong Mujahid Abubakar, dating MILF western front commander, na ang pagsisikap para sa kanyang mga kababayan ay ipinagpapatuloy ngayon ng kanyang anak sa pamamagitan ng proyektong pabahay na ito.
“Nagagalak kami na ang inisyatiba ng dating front commander Mujahid Abubakar ay ipinagpatuloy ng kanyang anak, MENRE Deputy Minister Muslima Asmawil sa pamamagitan ng proyektong pabahay, at ito ay kabilang sa mga pinagtatrabahuan ngayon ng Chief Minister—ang maabot ang bawat sulok ng Bangsamoro region,” sinabi ni Barra.
Nagpasalamat din siya para sa pagkakasali ng proyektong ito bilang isa sa mga prayoridad na pinopondohan ng Special Development Fund (SDF), at idiniin ang kahalagahan ng pagpapatayo ng di lamang basta bahay, kundi isang tahanan, upang maitaguyod ang isang progresibong komunidad ng Bangsamoro.
“Masaya kami na kasama kayo sa mga prayoridad na nabigyan ng Special Development Fund (SDF) projects dito sa pabahay,” pahayag niya.
Nagpaabot din ng pasasalamat si dating MP Muslima Asmawil para kay Chief Minister Ahod Ebrahim para sa patuloy na pagsuporta nito sa mga dating MILF combatant sa pamamagitan ng MHSD.
“Hindi ko malilimutan ang lugar na ito [bilang isa sa mga naiwan ng kanyang yumaong ama]. Gusto kong buhayin muli ang lugar na ito,” ani Asmawil.
Ibinahagi niya na mahalaga ang Sitio Marang-Marang para sakanya, dahil na rin sa koneksyon nito sa mga iniwan ng kanyang yumaong ama at iba pang mga prominenteng indibidwal mula sa Basilan.
“Ang Sitio Marang-Marang ay isang ordinaryong lugar lamang ngunit marami sa mga prominenteng indibidwal sa Basilan ang dito nanggaling gay ana lang ni Parliament Deputy Speaker Hatimil Hassan, dating Gobernador at dating Deputy Speaker of Congress Gerry Salapuddin, yumaong Western Front MILF commander Mujahid Abubakar, bukod sa iba pa,” sinabi niya.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Farda Daru, 56-taong gulang at isa sa mga benepisyaryo, para sa BARMM dahil sa pagbbigay sakanila ng magagandang tahanan.
Lubhang mahalaga ang turnover ng proyektong pabahay para sa mga benepisyaryo nito dahil na rin nasasasaksihan na nila ang bunga ng kanilang nagawang pakikibaka. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)