COTABATO CITY— Nag-organisa ng isang community dialogue ang Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailan (TABANG) Project ni Chief Minister Ahod Ebrahim (TABANG) noong ika-18 ng Disyembre sa tulong ng ibang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), at namahagi ng food packs sa mga komunidad ng mga non-Moro at Bangsamoro na nasa labas ng Bangsamoro territory.
Libu-libong mga benepisyaryo ang nakatanggap ng 25-kilo ng bigas at food packs, kabilang dito ang mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front, mga nagmula sa Munisipalidad ng Malangas, at iba pang karatig-lugar sa Zamboanga Sibugay.
Nagpasalamat naman si Municipal Mayor Marcelo Baquial sa Bangsamoro Government at iilang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament na kinabibilangan nina Suwaib Oranon, Mohammad Kelie Antao, Tawakal Midtimbang, Mudjib Abu, and Bassir Utto, na kilala bilang ‘Miracle 5’, at ni MP Mosber Alauddin.
“Natutuwa kami ng buong Malangas na dito idinaos ang pagtipon-tipon na ito. Makakaasa ang BARMM, lahat ng MPs sa kung ano pa ‘yung pwede natin pagtulungan ay willing po ang LGU ng Malangas,” pahayag ni Mayor Baquial.
Kinilala naman ni MP Antao ang mainit na pagtanggap ng alkalde at nagpahayag ng pasasalamat kay CM Ebrahim.
“Si Mayor mismo ang tumanggap sa atin dito at pinasalamatan ka (Chief Minister Ahod Ebrahim) sa lahat ng biyaya at tulong mula sa Bangsamoro government,” sinabi niya.
Ang inisyatibang ito ay nakahanay sa adbokasiya ni CM Ebrahim na mailapit ang pamahalaan sa mga mamamayan at matupad ang commitment ng regional government na matulungan ang mga mahihirap sa nasasakupan nito. (Myrna S. Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)