PUALAS, Lanao del Sur—Pinangunahan ng Bangsamoro Government ang isinagawang groundbreaking ceremony para sa sa pagpapatayo ng Level III-climate resilient water supply system na may treatment facility sa bayang ito noong ika-6 ng Mayo 2024.
Isang makabuluhang hakbang ang nasabing seremonya para sa pagtugon sa nararanasang problema na dala ng kakulangan ng tubig sa lugar. Idiniin ni Chief Minister Ahod Ebrahim ang kahalagahan ng proyekto, at sinabi na ang pasilidad “ay isa sa mga development project ng Bangsamoro Government upang matugunan ang kakulangan sa malinis at sapat na tubig sa mga bayan ng BARMM.”
“Ang magandang aspeto ng proyektong ito ay pagiging climate resilient nito, tinitiyak na kahit pa may nararanasang El Niño ay hindi ito basta-basta masisira at patuloy na gumagana para sa lahat,” dagdag ni Ebrahim.
Pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund (SDF) 2023 ang pagpapatayo ng nasabing proyekto. Ang kolaborasyon sa pagitan ng Local Government Unit (LGU) ng Pualas at ng Bangsamoro Government Center (BGC) ay napagtibay nang lagdaan nila ang isang Memorandum of Agreement noong ika-21 ng Pebrero 2024.
Nagpahayag naman si Pualas Mayor Amanoden Ducol ng kanyang suporta sa Bangsamoro Government, aniya, “Sa pamamagitan ng pagsusumikap ng LGU-Pualas at ng tiwala ng Bangsamoro Government, katulad ng tubig, aagos ang kapayapaan at pag-asa sa bayan ng Pualas.”
Kabilang sa mga dumalo sa seremonya si Member of the Parliament Marjanie Mimbantas-Macasalong at Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA) Director-General Engr. Mohajirin Ali.
Ang pagpapatayo ng mga bagong water supply system sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ay nagpapakita ng commitment ng Bangsamoro Government na mapabuti ang katatagan ng imprustruktura at nagtitiyak na may access sa malinis at sustainable na pagkukunan ng tubig sa mga komunidad nito.
Inaasahang magsisilbi ang nabanggit na proyekto bilang isa sa mga modelo para sa pagpapaunlad ng climate-resilient infrastructure sa buong rehiyon, na nagbibigay ng pag-asa sa mga residenteng Bangsamoro sa gitna ng mga hamong hatid ng kapaligiran. (Norjana Malawi, Bai Omairah Yusop/BIO)