COTABATO CITY— Muling ipinahayag ng BARMM Government noong Linggo ang di-natitinag nitong commitment sa pagbibigay ng naaayon at sapat na serbisyo sa mga mamayang Bangsamoro at agarang pagresponde sa kanilang mga pangangailangan.
Binigyang-diin ito noong ika-3 ng Disyembre sa idinaos na press conference ng mga opisyales ng Bangsamoro Government, kung saan tinalakay nila ang isasagawang interbensyon ukol sa kamakailang insidente ng pambobomba sa Mohammad Ali Dimaporo Gymnasium, sa Mindanao State University-Marawi (MSU).
Ibinahagi ni Minister Raissa Jajurie ng Social Services and Development na nakababa na mula sa Amai Pakpak Medical Center (APMC) ang nasa 38 na biktima, kung saan dalawa (2) rito ang nakatanggap ng P10,000 na tulong pinansyal para sa transportasyon at medikasyon, at pito (7) ang ginagamot, kung saan isa rito ang nakatanggap ng P10,000.
Mayroon ding limang (5) hospital watcher na nakatanggap ng P5,000 bawat isa.
Dagdag pa ni Minister Jajurie, nagpapatuloy ang Ministry sa ginagawa nitong pagsusuri upang matukoy ang nararapat na tulong na maibibigay sa mga benepisyaryo. Magsasagawa rin ang MSSD ng mga inisyatibang kaugnay sa mental health at psychosocial support.
Binanggit naman ni Minister of Health Dr. Rizaldy Piang na ang kanyang Ministry ay nakipag-ugnayan na sa APMC para matiyak na walang mababayaran sa opital ang mga biktima ng nabanggit na insidente.
Maliban pa rito, ayon kay Minister Atty. Naguib Sinarimbo ng Interior and Local Government ay may dalawang (2) coaster na ang ipinagamit sa Marawi City local government unit (LGU).
Dagdag pa niya na nakipag-usap na rin ito sa Marawi City LGU, Provincial Government ng Lanao del Sur (LDS), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at MSU-Marawi upang makapagpatayo ito ng isang incident command post (ICP) na siyang mag-oorganisa ng tugon sa pangangailangan ng unibersidad.
Idiniin ni Atty. Sinarimbo na may Bangsamoro Community Resiliency Program (BCORP) ng MILG, batay sa naging karanasan noong 2017 Marawi Siege, na nagpapahintulot sa komunidad na manguna sa pagpapanatili ng seguridad sa siyudad at muling suriin ang mga ilegal at imoral na ideyolohiya gaya ng ‘violent extremism’.
Gayundin, tiniyak ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim na gagawin ng BARMM Gov’t ang lahat ng paraan upang matugunan ang kakila-kilabot na insidente at mapanatili ang isang ‘conflict-free BARMM’.
“Ang tanging paraan ngayon ay ang palakasin ang kahandaan ng ating alerto sa seguridad upang di na ito maulit,” mariing pahayag ni CM Ebrahim.
Idiniin niya rin na ang nangyaring di kaaya-ayang insidente ay hindi magkakaroon ng negatibong epekto sa implementasyon ng Bangsamoro peace process.
Ang sama-samang pag-aksyon ng Government of the Day ay tungo sa pagpapabuti ng kapayapaan, hustisya, at seguridad sa buong BARMM at pagpapalakas ng kakayahan sa pagtugon at agarang pagbibigay ng mga serbisyo para sa social protection upang maibsan ang kakapusan sa sakunang kaugnay sa ekonomiya, panlipunan, at kapaligiran ay naaayon sa ikapito at ikalabing-isang priority agenda ni CM Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO