GENERAL SANTOS CITY—Nasa kabuuang 202 Bangsamorong persons deprived of liberty (PDLs) sa General Santos City Jail (GSCJ) ang tumanggap ng iba’t ibang serbisyo, kabilang ang legal, medikal, psychosocial, at relief assistance noong ika-31 ng Hulyo 2024.
Ang inisyatibang ito ay pinangunahan ng mga ministry, opisina, at ahensya ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), gaya ng Office for Other Bangsamoro Communities (OOBC), Ministry of Social Services and Development (MSSD), Office of the Chief Minister’s (OCM) Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG), at Bangsamoro Women Commission (BWC).
Katuwang din sa nasabing inisyatiba ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF), Consortium on the Bangsamoro Civil Society-Support to the Bangsamoro Transition (CBCS-SUBATRA), at ang Bangsamoro Development Agency (BDA).
Binigyang-diin ni OOBC Executive Director Noron Andan na ang mga interbensyong ito ay nakahanay sa mga prinsipyo ng moral governance at inklusibidad sa pagsisilbi sa komunidad ng Bangsamoro.
“Dahil lamang sila ay nasa likod ng mga rehas ng mga selda ng bilangguan, hindi ibig sabihin nito na ang mga programa ng Bangsamoro Government ay magwawakas ” sinabi ni Andan.
“Kung nagpapaabot tayo ng tulong sa mga pamilyang Bangsamoro na biktima ng kalamidad, kailangan din nating magbigay ng tulong sa mga PDL. Maikukumpara rin natin sila sa mga biktima ng sunog; ang pagkakaiba lang, kinabukasan nila ang nasunog, kaya kailangang maisali natin sila sa ating mga inisyatiba, kahit saan pa man sila ngayon,” dagdag niya.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang 146 kalalakihan at 56 na kababaihan.
Sa ilalim ng Section 12, Article VI ng Bangsamoro Organic Law (BOL), ang Bangsamoro Government, sa pakikipagtulungan sa mga local government units kung saan may Bangsamorong komunidad, at mga naaangkop na national government agencies, ay may mandatong magbigay ng tulong upang mapabuti ang pang-ekonomiko, sosyal, at kultural na kalagayan.
Muling binanggit ni Police Superintendent Brian Sison, Jail Warden ng GSCJ, ang commitment ng interim government sa paglikha ng isang malakas, nagkakaisa, at progresibong Bangsamoro.
“Ang Convergence Team ay nandito upang paalalahanan kayo na hindi kayo kinalimutan ng pamahalaan, lalo sa pagtutulong sa inyo na mabago ang inyong mga buhay at maging mas mabuting indibidwal,” sinabi ni Sison.
Sa darating na ika-19 ng Agosto, plano rin ng OOBC na makipagtulungan sa mga kaugnay na stakeholders sa Zamboanga Peninsula upang magpaabot pa ng tulong sa mga mamamayang Bangsamoro sa rehiyon.
Noong Pebrero 2023, sinimulan ng Convergence Team ang mga serbisyo para sa mga PDL sa North Cotabato Provincial Jail sa Barangay Amas, Kidapawan. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)