COTABATO CITY— Hinihikayat ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang lahat ng indigent senior citizens sa Bangsamoro region na magpatala sa Social Pension (SocPen) at centenarian program.
Ang mga interesadong aplikante ay maaring magsumite ng mga kaukulang dokumento sa kanilang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) o sa MSSD regional office.
Base sa accomplishment report ng MSSD sa taong 2022, 155,940 o 91.07% indigent senior citizens sa BARMM ang nakatanggap na ng SocPen allowances.
Paglilinaw ni MSSD Social Welfare Officer II for Older Persons and Persons with Disability Welfare Program, Jaymar Sali, na ang pagrerelease ng social pension allowance ay ginagawa kada semester o dalawang beses sa isang taon, pero dahil sa pagdownload ng pondo, naging ‘yearly one-time payout’ na ito sa halagang Php6,000.00 o Php500.00 kada buwan.
Upang maging kwalipikado sa nasabing programa, ang isang aplikante ay kailangang nasa 60 taong gulang pataas, person with disabilities o may kapansanan, walang permanenteng sustento mula sa pamilya o kamag-anak, at hindi tumatanggap ng ano mang pension mula sa gobyerno.
Kinakailangan ding magsumite ng mga documentary requirements tulad ng birth certificate, Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) ID, certificate of indigency, at latest whole-body picture na makikita ang kalendaryo ng kasalukuyang taon at buwan.
Muling iginiit ni Sali na ang aplikasyon para sa ID at booklet ay magkaiba sa aplikasyon para sa Social Pension para sa mga indigent senior citizens. Habang ang OSCA at booklet ay itinuturing na karapatan ng lahat ng senior citizens, ang SocPen ay may partikular na pamantayan upang mapabilang dito.
“Gusto din po natin linawin na ‘yung application for ID and booklet ay magkaiba doon sa application sa Social Pension for indigent senior citizen, dahil si OSCA ID at booklet ay karapatan po ng lahat ng senior citizens, while sa SocPen ay may criteria po para maka-avail neto,” ayon pa kay Sali.
Para naman sa centenarian benefits, kailangang ang aplikante ay isang Pilipino, kasalukuyang naninirahan sa Pilipinas o sa ibang bansa, at naabot na ang edad 100 taong gulang.
Noong 2002, may 23 centenarians mula sa BARMM, 8 mula sa Lanao Sur B at Maguindanao, at 13 mula sa Sulu, ang nakinabang na sa programa, at nakatanggap ng kabuuang P2.3 milyon.
Nilalayon ng MSSD na makapagbigay ng one-time cash assistance sa 40 centenarians ngayong taon.
Para sa mga nais mag-apply, kailangang makapagsumite ng mga dokumento tulad ng birth certificate, isang valid Philippine passport, OSCA ID, o kahit anong Philippine government IDs, gaya ng voters ID, SSS ID, GSIS ID, or PRC ID, at dalawang secondary documents tulad ng marriage contracts, birth certificates ng mga anak ng centenarian, affidavit na isinagawa ng dalawang disinterested persons na may edad na di bababa sa 80 taong gulang, records mula sa dating paaralan o sa trabaho o Baptismal certificates.
Sa kasalukuyan, ang senior citizen’s office para sa Cotabato City ay saklaw pa rin ng Rehiyon Dose.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa 2020 Census of Population and Housing, tinatayang nasa 166,656 ang bilang ng mga senior citizens sa BARMM na nasa 60 taong gulang at pataas, kabilang dito ay 84,908 babae at 81,748 naman ang mga kalalakihan. Ang mga programang ito ay pinondohan ng national government at ipinatutupad ng MSSD. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MSSD)