DAVAO CITY— Hinimok ng Bangsamoro Government ang mga tagapagtaguyod ng kapayapaan, partikular na ang sektor ng seguridad, na paigtingin ang mga inisyatiba at pakikipagtulungan para sa pagpapatatag ng ligtas at maayos na kapaligiran sa rehiyon.
Ang panawagang ito ay ibinahagi ng Bangsamoro Government sa ika-anim na grupong lumahok sa Bangsamoro Peace Institute training, sa pangunguna ng Ministry of Order and Safety (MPOS) noong December 8-10, 2024 sa Blue Lotus Hotel.
Binigyang diin ni MPOS Minister Hussein Muñoz ang kahalagahan ng kooperasyon ng lahat ng tagapagtaguyod ng kapayapaan.
“Sa henerasyong ito, kung saan patuloy na nagiging kumplikado ang mga hamon sa seguridad, ang inyong dedikasyon sa pag-aaral ng resolusyon ng mga sigalot at pagsasama ng mga estratehiyang ito sa mas malawak na mga inisyatiba ng kaunlaran ay napapanahon at kahanga-hanga,” aniya.
“Ang kaganapang ito ay isang patunay ng ating sama-samang dedikasyon sa mga mahahalagang prinsipyong ito. Sa inyong pakikilahok, hindi lamang kayo nagkakaroon ng mahalagang kasanayan at kaalaman, kundi kayo rin ang nangunguna tungo sa mas masagana at mas ligtas na kinabukasan para sa inyong mga komunidad,” dagdag pa niya.
Binibigyang-diin ni Al-Ihsaan Chairperson Jorge Kiman, isang kalahok mula sa Basilan, ang mahalagang papel ng pakikipagtulungan sa pagitan ng mga civil society organization (CSO) at ng sektor ng seguridad sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran.
“Ang pakikipagtulungan sa pagitan ng mga CSO at ng sektor ng seguridad ay isang tugon sa mga ugat ng kaguluhan, tulad ng kahirapan, marginalization, at historical grievances,” aniya.
Sa pamamagitan ng kooperasyong ito, mapapatibay natin ang tiwala ng isa’t isa at maitataguyod natin ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran,” dagdag ni Kiman.
Tinalakay din PNP- Tawi-Tawi Police Director PCOL Rodolfo Inoy Jr. ang kalagayan ng seguridad sa lalawigan na nananatiling tahimik at maayos.
“Napakapalad natin sa Tawi-Tawi dahil tayo ang pinaka-mapayapang lalawigan sa BARMM. Napakababa ng ating crime volume batay sa nakaraang eleksyon,” aniya.
Samantala, binangit ni UNDP Cotabato Field Office Head Winston Camarinas ang kumplikadong sitwasyon ng rehiyong Bangsamoro, partikular na ang pagkakatanggal ng Sulu rehiyon at ang pagpapalawig ng BARMM transition period.
“Sa kasalukuyan, nagbago na ang uri ng sigalot sa BARMM. Dati, karamihan dito ay vertical conflicts kung saan naglalaban ang rebolusyonaryong puwersa at ang mga puwersa ng seguridad. Bagama’t nalutas na ito, hindi pa dito nagtatapos ang lahat. Marami pa ring mga horizontal conflict na kailangang harapin ang pulisya at mga CSO,” ani Camarinas.
Inanunsyo rin niya ang planong pagbibigay ng suporta sa mga mahihirap kumunidad ng island provinces. Ang pamahalaan ng Australia, sa pamamagitan ng UNDP Philippines, ang nagbigay ng pangunahing pondo para sa programang ito. (Majid Nur/Norjana Malawi/BIO)