COTABATO CITY—Patuloy ang pagpapalago ng Bangsamoro Government sa ekonomiya ng rehiyon sa pag-apruba nito ng bagong proyekto na may kinalaman sa turismo na nagkakahalaga ng P74,400,500.
Matapos ang isinagawang pagpupulong ng Bangsamoro Board of Investments (BBOI) noong ika-23 ng Mayo 2024 kasama ang investor, Silong Verandah Mountain Resort (SVMR ay kaagad na naaprubahan ang naturang proyekto.
Sa taglay nitong nakamamanghang tanawin at mga overlooking lights ng lungsod, ang resort, na makikita sa Km. 11, Tenorio, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ay inaasahang makagagawa ng 45 bagong trabaho.
Ang pagkakaaprubang ito ay isang makabuluhang tagumpay para sa BBOI, na lalong nagpalago sa kabuuang investment para sa second quarter ng 2024 sa P3,822,879,582, na mas mataas sa 50% ng nai-set na target ngayon taon na nasa P2.6-bilyong investment ngayong taon.
“Nagagalak kaming makita ang pag-unlad ng ekonomiya ng Bangsamoro sa patuloy na pagpasok ng mga investment sa sektor ng turismo,” sinabi ni BBOI Chairperson Mohamad Pasigan.
“Ang pagpapatayo ng resort at operasyon nito ay maaring makagawa ng trabaho para sa mga residenteng Tiduray, na siyang magpapalakas ng lokal n akita at magpapaunlad ng ekonomiya,” dagdag niya.
“Pahayag niya rin, “Ang pagkakagawa ng resort ay maaaring magpabuti sa imprustruktura sa lugar, gaya ng mga kalsada at ibang kagamitan na siyang mapakikinabangan ng buong komunidad.”
Nananatiling committed ang BBOI sa paghihikayat ng marami pang investment na makagagawa ng maraming trabaho at magpapasigla sa kabuuang kaunlaran ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
“Ang mga tagumpay na ito ay nagbibigay-diin sa papel na ginagampanan nito upang mas maisulong ang BARMM tungo sa isang mas maliwanag na hinaharap,” muli pang pahayag ni Pasigan.
Sa pag-iinvest nito upang maitaguyod ang natural na turismo sa BARMM region, binanggit ni SVMR Manager at Proprietor Filipina Musa na ang ang pag-aapruba nito ay makatutulong sa kanilang pag-unlad dahil na rin sa tulong na pwedeng maibigay ng BBOI, kabilang dito ang teknikal na tulong, gabay, insentibo, at mga link o network sa ibang mga ahensya.
“Malaki ang pakinabang ng pagpaparegister sa BBOI dahil sa tulong na ibinibigay nila, gaya ng tax exemption. Para sa kagaya kong namumuhunan, malaking tulong ito upang maimplementa at maisagawa nang madali, mabilis, at tuloy-tuloy ang mga proyekto,” sinabi ni Musa.
Dagdag niya, “Ang pagkakaroon ng isang ahensyang gumagabay at sumusuporta sa isang SME ay napakahalaga para sa ating tagumpay at ng ating komunidad na nasa ilalim ng BARMM, na siyang makakahikayat ng mas maraming mamumuhunan.”
Ang pagpupulong na idinaos noong Huwebes ay dinaluhan ng mga miyembro ng board, kabilang si BBOI Board of Governor Datu Habib Ambolodto; Ex-Officio Governor representatives mula sa Ministry of Trade, Investments, and Tourism – Peter Paul Ayson; mula sa Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform – Chief of Staff Arphia Ebus; at mula sa Ministry of Finance, Budget, and Management – Deputy Minister Amil Bahar Amilasan, kasama rin si BBOI Board Secretary Farida Biruar. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)