COTABATO CITY—Mahalaga ang ginagampanang papel ng mga Madrasah (Islamic school) sa pagpapalakas ng mga kabataang Bangsamoro sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaalaman at kasanayang nauugnay sa kanilang mga paniniwala at kultura. Ito ay nabigyang-diin sa paglulunsad ng kauna-kaunahang pampublikong madrasah sa rehiyon at ng buong bansa, na idinaos sa Barangay Balabaran dito sa lungsod noong ika-26 ng Hulyo.
Layunin ng pagkakatatag ng naturang institusyon na mapagyaman ang kahusayan ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng holistic approach, na nagbibigay isang structured at balanseng kurikulum. Pinaghalo ng kurikulum ang tahderiyyah para sa kindergarten, Islami Studies and Arabic Language (ISAL), at ang DepEd national curriculum.
Desidido si Minister Mohagher Iqbal ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) na masimulan ang pampublikong madrasah, at sinabing kahit hindi pa kumpleto ang lahat, nakapagsagawa na ang Bangsamoro government ng mga makabuluhang hakbang tungo sa isang balanseng edukasyon.
“Ito ang kauna-unahang pampublikong madrasah hindi lamang dito kundi sa buong Pilipinas, dahil na rin sa MBHTE at ng Bangsamoro Government. Gusto talaga naming maisakatuparan ito. Iyan ay hindi lamang nasa isip kundi pati sa administratibo, at sa education code kung paano natin maipapatayo ang pampublikong madrasah,” sinabi ni Iqbal.
“Ang ibig sabihin ng pampublikong madrasah ay pag-aari at pinopondohan ito ng pamahalahaan. Kung nakikita niyo na may mga division offices ang pampublikong paarala at marami ring mga paaralan mahigit libo, yun ang pananaw natin sa pampublikong madrasah,” dagdag niya.
Binanggit din niya na magkakaroon ng mga division office at isang punong-guro sa bawat madrasah, ngunit hindi pa nila ito maipapatayo kaagad dahil sa ang gusali para sa pampublikong madrasah ay kasalukuyang ginagawa pa lamang.
Nakasaad sa Bangsamoro Education Code of 2021, Section 3. Applicability: “Napapaloob sa Batas na ito ang Bangsamoro Education System, na binubuo ng lahat ng sistema ng edukasyon, kabilang ang pormal, non-formal, informal, pampubliko at pribadong institusyon para sa pag-aaral, sa lahat ng antas: basic, higher, technical, at Madaris education.
[This Act shall apply to the Bangsamoro Education System, consisting of all education systems including formal, non-formal, and informal, public and private learning institutions, at all levels: basic, higher, technical, and Madaris education.]
“Hindi pa man kumpleto ang lahat, ngunit nasimulan na natin, at ang iba ay susunod na rin. Desidido tayo na makamit ang ating mga mithiin,” pahayag ni Iqbal.
Samantala, binigyang-diin naman ni MBHTE-Madaris Education Director General Tahir Nalg ang determinasyon ng Bangsamoro government sa pagtatatag ng mga pampublikong madrasah.
“Alhamdulillah, sa pagpasok ng BARMM, isa sa mga naging pokus nito ang pagpapalakas ng madaris education. Ang pagkakatatag ng Directorate General of Madaris Education bilang bahagi ng MBHTE ay isang ebidensya ng commitment na ito,” sinabi ni Nalg.
“Hindi ito nagtatapos diyan. Maraming programa na ang nailunsad ng ating butihing Minister bilang suporta sa madaris education. Noong isang linggo, nasa Metro Manila kami para sa isang forum ng madrasa partners kasama ang mga national officials mula sa Department of Education (DepEd) upang maipaliwanag kung paano ang operasyon ng isang madrasah educational system,” dagdag niya.
Sinabi ng Director General na naging matagumpay ang nasabing forum at tinunghayan ng maraming diplomat, senador, miyembro ng Kongreso, at national government agencies, bukod sa iba pa. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)