COTABATO CITY—Hinihikayat ng Ministry of Trade, Investments, and Tourism (MTIT) ng Bangsamoro Government ang mga kabataang Bangsamoro na i-explore ang Medium and Small Enterprises (MSMEs) at pagnenegosyo, lalo na sa aspeto ng teknolohiya.
Sa isinagawang seminar patungkol sa digital business noong ika-22 ng Hulyo sa Senior High School Auditorium ng Notre Dame University (NDU), sa pakikipagtulungan sa NDU at Japan International Cooperation Agency (JICA), binigyang-diin ang kahalagahan ng digital business at teknolohiya sa pagtataguyod ng isang napapanatiling pag-unlad at mapabuti ang kalidad ng buhay para sa mga mamamayan.
“Sa isang mundo kung saan mabilis ang pag-abante ng teknolohiya, nagkakaroon tayo ng magandang oportunidad na magamit ang mga inobasyong ito upang matugunang ang ilan sa mga hinaharap nating mabibigat na hamon. Nakapagbibigay ng malakas na kagamitan ang mga digital na teknolohiya upang mapahusay ang edukasyon at healthcare, maitaguyod ang pag-unlad ng ekonomiya, at mapalakas ang pakikipag-ugnayan sa komunidad,” sinabi ni MTIT Director General Roslaini Alonto-Sinarimbo.
“Dagdag niya, “Sa ating pagkakaisa, makagagawa tayo ng isang kinabukasan kung saan ang teknolohiya ay nagsisilbing daan para sa pag-unlad ng lipunan.”
Samantala, nagpresenta naman si Tomoyuki Naito, vice president at propesor ng Graduate School of Information Technology sa Kobe Institute of Computing sa Japan, ng iba’t ibang paksa kabilang ang nangungunang digital business, paggawa ng mga makabagong digital business sa pamamagitan ng mobile technology, at ipinakita ang mga matagumpay na mga social innovators sa Global South.
Hinimok ni Naito ang mga kabataan na maging ‘evidence-based thinkers’. Aniya, “Pansinin ninyo ang mga hamong kinakaharap ng mga tao; Subukan niyong mag-isip ng solusyon gamit ang mobile; at Subukang isaalang-alang ang isang business model upang mapagkakitaan ang solusyong naisip. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO)