COTABATO CITY—Sa layuning magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan at kaayusan sa Bangsamoro region, isinagawa nag Bangsamoro Government ang Regional Peace and Order Council (RPOC) meeting sa probinsya ng Sulu noong Sabado, ika-10 ng Hunyo.
Nagbigay-daan ang naturang pagpupulong na matalakay ng mga local chief executives at iba pang dumalo ang mga sanhing pinag-uugatan ng krimen at karahasan sa rehiyon.
Sa ilalim ng pamumuno ni Chief Minister Ahod Ebrahim, natipon ang mga miyembro ng nasabing Council, kabilang ang mga BARMM provincial governors na sina Sulu Governor Abdusakur Tan, Basilan Governor Jim Hataman-Salliman, Tawi-Tawi Governor Ma-ang Sali, Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua, mga BARMM ministries, national agencies, at ang security sector.
Ayon kay Chief Minister Ebrahim na siya ring umuupong Chairman ng RPOC, kinikilala nito ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pangmatagalang kapayapaan at kaayusan. Aniya “Our vision for the Bangsamoro Autonomous Region is clear: a Bangsamoro that is united, enlightened, self-governing, peaceful, just, morally upright, and progressive.”
Binigyang-diin din nya ang kahalagahan ng pagpapadali ng access sa dekalidad na edukasyon at pagsasagawa ng strategic investments para sa pag-unlad ng ekonomiya upang mas mapalawig ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. Ito ay sa paglalaan ng sapat na pansin sa pagpapalawak ng intelektuwal na kakayahan ng susunod na henerasyon.
Samantala, nagpahayag din ng kanyang dedikasyon sa pagsusulong ng kapayapaan ay kaayusan sa rehiyon si Governor Tan, na siyang nag-host ng pagtitipon.
Aniya, magbibigay-daan ang nasabing kaganapan na makapag-usap at magkaunawaan upang masagot ang mga hamong kasalukuyang kinakaharap ng gobyerno.
Kanya ring ipinahayag ang tuluy-tuloy niyang suporta sa BARMM Government, na pinangungunahan ni Chief Minister Ebrahim, lalo na sa pagtahak nito sa isang mapanghamong landas tungo sa pagkamit ng pagmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
“Our message to the Interim Chief Minister, the BTA, and all citizens of the BARMM: We are committed to support the peace process; we are committed to support your (Ebrahim) leadership and the BTA […] the success of the regional government is our success,” mariing sinabi ni Tan.
Ang matagumpay na pagpupulong ng RPOC ay nagpapakita lamang ng matinding kagustuhan ng BARMM upang matiyak ang kaligtasan, seguridad, at kabutihan ng mga mamamayan nito. Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at matibay na partnership, nilalayon ng BARMM na mapalawig ang walang humpay na kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon. (Aisah Abas, Bai Omairah Yusop/BIO)