Cotabato City (Hunyo 11, 2020)—Sumailalim ang unang pangkat ng Local Chief Executives mula sa iba’t ibang munisipalidad ng BARMM sa pagsasanay na tinawag na ‘Strengthening Local Government Units Capacities towards Moral Governance’ nitong Martes, ika-9 ng Hunyo, sa pamamagitan ng Zoom Webinar.
Matatandaang mula nang maitatag ang BARMM, ay naging prayoridad na rin ng Bangsamoro Government ang pagsusulong ng adbokasiyang ‘Moral Governance’ sa ilalim ng pamumuno at gabay ni Chief Minister “Al Haj Murad” Ebrahim.
Ang nasabing aktibidad ay pinangunahan ng Ministry of Interior and Local Government (MILG-BARMM) na nilahukan ng labindalawang (12) munisipalidad sa rehiyon.
Layunin ng programa na isadiwa ang Moral Governance; pahalagahan ang MILG framework; alamin ang basics on local legislation; at i-apply ang fundamentals of financial Management.
Ang online training ay dinisenyo upang mahasa ang kapasidad ng local officials at functionaries sa local governance; at maisagawa ang mga tungkulin ng LGUs sa ilalim ng Local Government Code (Republic Act 7160).
Sinabi ni MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo dahil sa mga hamon na kinakaharap ngayon ng Bangsamoro region na malabanan ang Coronavirus Disease (Covid-19), lubos na kinakailangang maging innovative upang makapaghatid ng mga programa para sa mga LGU.
“Kami sa ministry ay natutuwa na yung mga LGU natin ay patuloy na nakikiisa sa pagpapatibay at pagpapalakas ng kaalamanan at kapasidad natin sa MILG para maging effective ang service delivery natin,” dadag nito.
Pinuri din ni Sinarimbo ang mga aksyon na isinagawa ng mga LGU sa panahon community lockdown dulot ng Covid-19 sa rehiyon, partikular na ang mga inisyatibo nitong matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili at pagtangkilik ng mga produkto ng Bangsamoro farmers upang mas mapalakas ang economic activity sa rehiyon.
“Pinuri rin ng National Inter-Agency Task Force ang pagiging innovative natin sa paggamit ng teknolohiya. Ipagpapatuloy natin ang pag-improve ng internet signal natin sa Lanao del Sur, Maguindanao at island provinces,” ani sinarimbo.
Naghatid din ng lecture si Bangsamoro Mufti Abu Huraira Udasan at muling inilahad ang partisipasyon ng LGUs sa aspeto ng Moral Governance sa Bangsamoro Government.
Binigyang-diin nito ang “Skills at moral side ay kinakailangang naaayon sa “sunnah” o katuruan ng Propeta Muhammad (SAW). at ang Qur’an ay magsisilbing gabay ng mga LGUs tungo sa Moral Governance.
Ang unang pangkat ng webinar session ay dinaluhan ng dalawaput-apat (24) na LGU officials na nagmula sa apat (4) na Non-IRA municipalities kabilang ang munisipalidad ng Datu Anggal Midtimbang, Datu Blah Sinsuat, Munisipalidad ng Northern Kabuntalan, at Mangudadatu.
Ang susunod na pangkat ng online training ay isasagawa sa darating na June 16-17, na dadaluhan ng LGUs mula sa munisipalidad ng Pandag, Datu Hoffer, Datu Salibo, at Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao, na susundan ng mga LGU mula naman sa mga munisipalidad ng Al Barka, Hadji Mohammad Adjul, Akbar, at Hadji Muhammad mula sa Provincial Island ng Basilan.
“Sa kabuuan, labindalawang (12) LGUs ang inaasahang isasailalim sa kaparehong training sa mga darating na linggo. As we transition from MGCQ to what would possibly be a new normal for us, we will continue to re-assess the program delivery, if we ever need improvements on it,” sabi ni Sinarimbo. (Bureau of Public Information)