COTABATO CITY—Nagsagawa ng groundbreaking ceremony ang Regional Project Coordination Office of Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (RPCO-BARMM) noong ika-15 at 16 ng Nobyembre para sa pagpapatayo ng goat house facilities sa apat na bayan ng Maguindanao del Sur.
Nagsilbing unang hakbang ang nasabing seremonya sa konstruksyon ng Goat Multiplication, Fattening, and Marketing Subproject on Goat House Facilities sa mga munisipalidad ng Guindulungan, Ampatuan, Datu Paglas, at General SK Pendatun.
Ayon kay Engr. Baby Anne Usman, isang rural infrastructure engineer ng RPCO-BARMM, ang pasilidad na nagkakahalaga ng P1,200,000.00 na pinondohan ng World Bank gamit ang European Union Grant ay inaasahang makukumpleto sa loob ng 120 working days.
Nagpahayag naman ng pasasalamat si Guindulungan Mayor Midpantao Midtimbang, Jr. sa MAFAR-PRDP para sa pagbibigay ng ganito kalaking proyekto sa mga kooperatiba sa kanilang lugar.
“Alhamdulillah para sa proyektong ito, na kinumpleto na sa pagkakaroon ng goat house facility, training, at marketing assistance. Para sa mga benepisyaryo, inaasahan namin ang wastong pangangalaga sa mga ito upang matiyak ang tagumpay nitong proyekto,” sinabi ni Midtimbang.
Nangako siya na mahigpit itong tututukan at nagbigay din ng suporta para sa epektibong pagpapatupad ng proyekto.
Dumalo sa nasabing groundbreaking ceremony ang mga kinatawan mula sa provincial at municipal engineering offices, Municipal Planning and Development Coordinators (MPDC), MLGUs, opisyales ng mga barangay ng mga natukoy na munisipalidad, ang RPCO-BARMM team, MAFAR-Maguindanao PRDP Focal, at MAFAR Municipal Officers.
Ang naturang inisyatiba ay nakahanay sa pang-apat sa 12-Point Priority Agenda na layuning mapasigla ang sosyo-ekonomikong pag-unlad, mapababa ang kahirapan, at mapalakas ang seguridad ng pagkain sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapabuti ng sektor ng agri-fishery. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MAFAR)