COTABATO CITY—Dineklara ng Bangsamoro Government noong ika-29 ng Abril ang Office of the Chief Minister (OCM) Proclamation No. 002 s. 2024 nagsasailalim sa BARMM sa State of Calamity dahil sa malupit na epekto ng El Niño.
Ang El Niño ay isang climate pattern na nagdudulot ng hindi pangkaraniwang pag-init ng tubig sa ibabaw ng eastern Pacific Ocean, na nagresulta sa malalang tagtuyot o dry spells.
Ayon sa proklamasyon, ang naturang deklarasyon ay makatutulong sa mga apektadong komunidad at magpapabilis ng mga makabuluhang interbensyon ng interim government, kabilang ang response operations at recovery effort.
Nakasaad sa dokumento na “Sa tulong ng deklarasyong ito ay epektibong makokontrol ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin para sa mga apektadong lugar mabigyan ang BARMM at mga LGU nito ng kalayaan upang magamit at maiangkop ang pondo para sa mga gagawing pagsasagip, pagrerekober, at rehabilitasyon, at maituloy ang pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga apektadong populasyon, alinsunod sa batas.”
Sa ilalim ng Republic Act No. 11054, o mas kilala bilang Bangsamoro Organic Law, na ang Chief Minister ay may kapangyarihan na magdeklara ng state of calamity sa panahong mayroong kalamidad na nakasisira sa buhay o ari-arian sa rehiyon.
Noong ika-1 ng Mayo ay nakapagtala ang mainland BARMM ng 39°C heat index ayon sa pinakabagong forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Hinimok din ng nasabing proklamasyon ang mga kinauukulang ministry, opisina, at ahensya na magsagawa ng nararapat na hakbang upang matugunan ang kasalukuyang kalamidad.
“Lahat ng mga kinauukulang ministry at ibang ahensya ng pamahalaan ay dinidirektahang mag-implementa at magsaawa ng tulong medikal, relief, at rehabilitasyong naaayon sa nauugnay na operational plan at direktiba,” nakasaad dito.
Ang pagpapalakas sa pagtugon at pagiging maagap sa paghahatid ng mga serbisyong kaugnay sa social protection at pagbuo ng katatagan sakomunidad laban sa mga kalamidad ay nakahanay sa ikapito at ikawalong priority agenda ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)