COTABATO CITY—Pinalakas pa ng Bangsamoro Government ang suporta nito sa health care at social services para sa mga liblib na komunidad sa probinsya ng Tawi-Tawi at Maguindanao del Norte sa pamamagitan ng paghahandog ng mga emergency transport vehicles.
Sa seremonyang naganap sa loob ng Bangsamoro Government Center (BGC) noong ika-18 ng Hulyo, pinangunahan ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim ang pag-turn over ng nasabing mga sasakyan na nagkakahalaga ng kabuuang Php28-milyon.
Kabilang dito ang isang unit ng sea ambulance, isang unit ng fire truck, at dalawang unit ng patients transport vehicles na ibibigay sa isang hospital sa Tawi-Tawi, League of Barangay sa Northern Kabuntalan, at sa Camp Abubakar sa Maguindanao del Norte.
“Hindi ito ang unang pagkakataon— tuloy tuloy ang pagbibigay natin ng mga proyektong pinondohan sa ilalim ng Transitional Development Impact Fund (TDIF) ng mga miyembro ng parlyamento,” pahayag ni Ebrahim.
Binigyang-diin ni Chief Minister na ang mga naging kaso ng kaguluhan sa ilang bahagi ng Bangsamoro ay lubhang nakaapekto sa mga karapatan at kapakanan ng mga mamamayan, kabilang na dito ang kanilang access sa mga serbisyo ng gobyerno.
“Dahil sa paglagda sa kasunduang pangkapayapaan, nararamdaman na natin ngayon ang magandang dulot nito sa ating mamamayan, Alhamdulillah. Ako ay nagagalak dahil ang okasyon na ito ay nagpapakita lamang na ang peace process at ang BARMM government ay gumagana,” saad ni Ebrahim.
Tiniyak rin niya na ang transitional authority ng Government of the Day ay patuloy na maghahatid ng positibong pagbabago sa bawat mamamayan sa lahat ng komunidad sa Bangsamoro region.
Samantala, ayon kay Atty. Naguib Sinarimbo ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG), ang ini-turn over na 1-unit sea ambulance para sa Tuan Ligaddung Lepae Memorial Hospital sa Tawi-Tawi ay pinondohan sa ilalim ng TDIF ni MP Eddie Alih. Ang 1-unit ng fire truck naman ay mula sa TDIF ni MP Maleiha Candao na ipapadala sa Camp Abubakar, at ang 2-unit ng patients transport vehicles na mula sa TDIF ni MP Suharto Ambolodto ay ibibigay naman sa liga ng mga barangay sa Northern Kabuntalan at Muslim Upliftment Foundation Incorporated ng Tawi-Tawi.
“Yung TDIF ay pondong gagamitin para mapabilis natin yung phase ng recovery, rehabilitation at saka transition patungo sa mas matatag na institusyon ng Bangsamoro Government,” dagdag pa niya.
Dumalo rin sa nasabing seremonya sina Senior Minister Abunawas Maslamama, Parliament Member Eddie Alih, MILG Deputy Minister Ibrahim Ibay, Minster Akmad Brahim ng Ministry of Environment, Natural Resources and Energy (MENRE), at ibang pang kawani ng MILG. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO)