Cotabato City (Mayo 20, 2020)—Naglabas ng bagong alituntunin o guidelines ang Bangsamoro Inter-Agency Task Force (IATF) on Coronavirus Disease (Covid-19) para sa rehiyon noong Martes, ika-19 ng Mayo sa Cotabato City.
Kabilang sa mga nakapaloob sa bagong guidelines ang pagbibigay ng pahintulot sa pagsasagawa ng ‘small gatherings’ o ang maliit na pagtitipon, ngunit hindi dapat na lalagpas sa sampu (10) katao.
Nakasaad sa guidelines na, ”ang mga maliit na pagtitipon nang hindi lalampas sa sampung tao ay pinahihintulutan, ngunit kinakailangang sumunod sa public health standard tulad ng pagsusuot ng face-mask, maingat na pag-bahing at pag-ubo, physical distancing, palagiang paghuhugas ng kamay, at iba pa.
Sa isinagawang virtual press briefing noong Martes, sinabi ng tagapagsalita ng Bangsamoro-IATF na si Mohd Asnin Pendatun na, ”hindi po ibig sabihin na pwede tayong maging kampante.”
“Mainam pa rin umano na sumunod sa lahat ng pamantayan upang makaiwas sa second wave,” ani Pendatun.
Dagdag pa nito, ang laban sa Covid-19 ay hindi pa natatapos. Sa katunayan, aniya, mahaba pa ang tatahakin at kailangan pang mas palakasin ang kooperasyon ng bawat isa.
Ang nasabing guidelines ay alinsunod sa Proclamation Nos. 922 at 929 ni Pangulong Rodrigo Duterte, Republict Act No. 11649, ang Omnibus Guide on the Implementation of Community Quarantine sa Pilipinas (IATF Resolution No. 30 at 30-A) at ang IATF Resolution No. 35-A at 36.
“Tayo po ay nasa krisis pa rin. Mayroong pandemya at ang common enemy ay nandyan pa rin, “ ani Pendatun.
Dagdag pa nito, kahit may pagbabago na sa Community Quarantine, mainam na sundin ang Public Health Emergency protocol.
Saad nito na “pagod na umano ang frontliners at sobra na ang sakripisyo ng mga ito .”
Binigyang-diin din ni Pendatun na ang religious gatherings ay suspendido pa rin.
Samantala, hinikayat naman ni Bangsamoro Grand Mufti Abuhurayra Udasan na isagawa na lamang ang Eid’l Fit’r prayers sa kani-kanilang mga tahanan.
Inaaasahang ipagdiriwang ang Eid’l Fitr sa darating na Mayo 23-24 batay pa rin sa isasagawang moonsighting. (Bureau of Public Information)