COTABATO CITY— Nakatanggap ng mga bagong bangkang pangisda ang 70 kooperatiba ng mga magsasaka mula sa mga probinsya ng Maguindanao at Special Geographic Area (SGA) galing sa Bangsamoro Government, isang hakbang upang mapabuti ang lokal na kabuhayan at mapataas ang produksyon ng isda sa rehiyon
Ang inisyatibang ito na pinondohan ng P4.2 milyon ay nasa ilalim ng Project Tulong Alay sa Bangsamorong Nangangailangan (TABANG) ni Chief Minister Ahod Ebrahim, sa pamamagitan ng Oplan Bangsamoro Rapid Assistance (OBRA) nito. Naisagawa ang turnover ceremony noong ika-28 ng Disyembre 2023.
Ayon kay Mohammad Asnur Pendatun, Project TABANG Livelihood Unit head, ay dati na umanong namahagi ang OBRA ng 150 fishing boat sa buong rehiyon gamit ang pondong inilaan sa taong 2021 at 2022.
Ang pangkalahatang layunin ng OBRA ay masuportahan ang mga magsasaka at kooperatiba sa kanilang pang-araw-araw na operasyon, mapabuti ang produksyon ng pananim, at makapagbigay ng mga karagdagang pang-ekonomikong kalakal at serbisyo.
“At mayroon pa tayong dagdag na 70 bagong fishing boat, sa pagkakataong ito ay inilaan para sa Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi,” pahayag ni Pendatun.
Samantala, nagpaabot naman ng lubos na pasasalamat sina Jalondoni Panga ng Balong Ancestor Agriculture Cooperatives at Karding Ismael ng TEE United Farmers and Fisherfolks Marketing Cooperatives, pawang mga benepisyaryo ng nasabing proyekto, para kay Chief Minister Ebrahim at sa regional government dahil sa kanilang inisyatiba na matulungan ang mga mangingisda at magsasaka sa rehiyon.
“Itong suporta ng Project TABANG sa amin ay lubha naming kinakailangan. Malaking tulong ito para sa aming lugar at sa mga kasamahan naming mangingisda, lalo na sa aming kabuhayan,” ani Panga.
Bago pa ang opisyal na turnover ay nakapagsagawa na ang head ng programang OBRA at ang TABANG team ng masusing inspeksyon upang matiyak ang tamang kalidad at kaligtasan ng bagong handog na bangkang pangisda. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)