COTABATO CITY—Namahagi ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) ng pitong (7) kambing at 90 native na manok sa mga magsasaka sa Brgy. Lipawan ng Barira, Maguindanao Del Norte upang masuportahan at mas mapabuti pa ang kanilang kabuhayan.
Pinangunahan ng MAFAR Gender and Development (GAD) Program noong ika-21 ng Hulyo ang pamamahagi ng mga nasabing hayop. Layunin nito na masiguro na may sapat na suplay ng pagkain sa lugar.
Ayon kay GAD Alternate Focal Diana Manalasal, inisyatibo ito ng ministro upang matulungan ang mga magsasaka at mabigyang pag-asa ang mga nahihirapan dahil sa pabago bagong takbo ng ekonomiya.
“Nagsisikap ang MAFAR na mabigyan ng mga manok at kambing ang mga magsasakang Bangsamoro upang matulungan sila, at dahil nakikita natin ang inisyatibong ito ay may malaking epekto sa food security at poverty alleviation,” ani Manalasal.
Samantala, pahayag naman ng isa sa mga benepisyaryo, “Nagpapasalamat kami sa MAFAR sa pagbigay ng interbensyon sa aming mga magsasaka ng Barira. Napakalaking tulong po ito sa aming kabuhayan.”
“Ang aming natanggap na manok at kambing ay gagamitin namin sa mabuting paraan upang kumita ng pera at maangat kami sa kahirapan,” sabi niya. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MAFAR)