SPECIAL GEOGRAPHIC AREA—Patuloy pa rin ang pagbibigay ng tulong pangkabuhayan ng Bangsamoro Government sa Special Geographic Area (SGA) ng rehiyon, sa pamamagitan ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG).
Nooon ika-13 ng Hulyo, naipamahagi sa mga magsasaka at mangingisda mula sa Brgy. Tumbras ng Midsayap Cluster, SGA ang mga makinarya sa pagsasaka at mga motor banca na mayroon nang fishing gears. Ang mga ito ay nagkakahalaga ng kabuuang 83 milyong piso.
Kabilang sa mga makinarya ay mga farm tractors, harvesters, at mga kagamitan sa pangingisda na pinondohan sa ilalim ng Special Development Fund (SDF) ng regional government, na ipapamahagi sa mga residente ng Midsayap Clusters 1 at 2.
Sinabi ni MILG Minister Atty. Naguib Sinarimbo na ang mga ito ay bahagi ng pangkalahatang suporta ng pamunuan ni Chief Minister Ahod Ebrahim para
sa mga komunidad ng SGA.
Dagpag pa niya na ang mamamayan ng SGA ay mga “trailblazers” sa larangan ng pamamahala dahil sa kanilang kakaibang karanasan dahil sila ay pinamamahalaan ng gobyerno ng Pilipinas at ng autonomous government sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
“Hindi lang kayo sumama sa BARMM kundi meron kayong potential na mas pagandahin yung uri ng paggo-gobyerno dahil sa inyong experience dati,” pahayag ni Sinarimbo.
Ang SGA ay binubuo ng 63 barangays na dating sakop ng probinsiya ng Cotabato. Ito ay naging bahagi ng opisyal na teritoryo ng BARMM matapos ang matagumpay na plebesito noong Pebrero 6, 2019 alinsunod sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ayon kay Sinarimbo ay may mga naging kakulangang tulong sa SGA nang maging opisyal na teritoryo ito ng BARMM, ngunit kanyang tiniyak ang dedikasyon ng regional government na punan ang mga ito, kaya naman patuloy ang pagbuhos ng tulong ng Bangsasamoro Government.
“Kaya po meron tayong SGA Development Authority (SGADA) na attached office sa MILG para matiyak na natutugunan po ang inyong pangaingailangan,” saad pa niya.
Dumalo rin sa turnover activity ang dating Board Member ng Cotabato Province na ngayon ay Member of the Parliament na si Mohammad Kelly Antao at isinalaysay ang naging kalagayan ng Barangay Tumbras bago ang ratipikasyon ng BOL.
Aniya, ang Tumbras ay isa sa mga lugar na nagdesisyong mapabilang sa BARMM sa huling sandali ng itinakdang deadline ng Commission on Elections.
“Tingnan niyo, dahil nakahabol kayo, nakakatanggap tayo ng ganitong tulong,” sinabi ni Antao. (Abdullah Matucan, Bai Omairah Yusop/BIO)