COTABATO CITY—Pinangunahan ng Ministry of Health (MOH) ng Bangsamoro Government ang taunang kampanya kontra dengue bilang hakbang sa pag-abot ng isang dengue-free Bangsamoro.
Nagsimula ang nasabing kampanya noong ika-14 ng Hunyo, na aktibo namang nilahukan ng mga school heads, estudyante, guro, at local government units sa Lugay-Lugay Central Elementary School sa Brgy. Bagua I dito sa lungsod.
Ang dengue fever ay isang tropical disease na nadadala at naipapasa ng mga lamok na nagdudulot ng mga sintomas kagaya ng lagnat, sakit ng ulo, rashes, at pananakit ng katawan. Maituturing mang ‘mild’ lamang ang maraming kaso nito at maaring mawala sa loob ng isang linggo ay mas mainam pa ring maagapan ito.
Binigyang-diin ni MOH Deputy Minister Dr. Zul Qarneyn Abas ang kahalagahan ng pagsunod sa 5S measures: Search and destroy breeding sites (hanapin at puksain ang mga breeding site), Self-protection (pagprotekta sa sarili), Seek consultation (pagpapakonsulta), Support fogging in outbreak areas (suportahan ang ‘fogging’ sa mga outbreak area), at Sustain hydration (laging uminom ng tubig).
Sinabi ni Abas na ang mga ito ay mabisang hakbang upang maiwasan ang paglaganap ng dengue.
Nakapagtala naman ng 662 na kaso ng dengue ang BARMM region mula Enero hanggang Hunyo 2023, na nagpapakita lamang ng tatlong beses na mas mababa kung ikukumpara noong 2022.
Ayon sa nakalap na datos ay pinakaapektado ang mga gulang 0-9 taon, kaya puspusan na rin ang panawagan para sa mga kabataan na maging aktibo sa mga ‘search and destroy activities’ at magsuot ng mahahabang damit.
“Mas marami ang cases ng Dengue sa mga kabataan kaysa sa mga matatanda. Kaya’t kayo na mga kabataan, magsearch and destroy, at magsuot kayo ng mahahabang manggas,” mariing sinabi ni Abas.
“Sa ating mga kababayan, kailangan po namin ang inyong tulong o kolaborasyon upang masugpo itong dengue,” dagdag niya.
Ayon kay Nurse Ron Aray, MOH Regional Program Coordinator, mahalaga ang agarang pagtuklas nito upang maagapan ito at maiwasan ang malalang komplikasyon o pagkamatay.
Ang dengue ay dulot ng apat na virus serotypes: DENV-1, DENV-2, DENV-3, and DENV-4. Marami sa mga may mild dengue fever ay gumagaling sa loob ng isang linggo.
Samantala, nanawagan naman si City Health Officer Dr. Marlow Niñal, na kumatawan para kay City Dengue Program Coordinator Nurse Bai Indira Mundas, sa publiko, mga eskwelahan, at barangay na suportahan ang mga aktibidad ng lungsod at gobyerno.
“Hindi po kaya ng City health at MOH lang ito, kailangan namin ng coordination at tulong ng mga paaralan at mga barangays sa kampanya,” mariing binanggit ni Niñal.
Dagdag pa rito, nasa 50 estudyante naman ang tumanggap ng learner kits na naglalaman ng mga notebook, lapis, ruler, gunting, pantasa, pencil case, at tumbler.
Dumalo din sa aktibidad sina City Deputy Mayor Abdullah Andang, Cotabato City School Division Superintendent Conception Balawag, Ph.D., CESO V, Lugay-Lugay Central School Principal I Sadat Minandang, at mga representante mula sa Barangay Local Government Units, at iba pang stakeholders. (Myrna S. Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)