Nagsasagawa ngayon ng mga hakbang ang Ministry of Health (MOH) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng mga nagkakaroon ng measles o tigdas sa pamamagitan ng pagpapalawig nito ng mga aktibidad kaugnay sa pagbabakuna sa buong rehiyon.
Sa isang press conference na ginanap noong Huwebes, ika-21 ng Marso 2024, nag-anunsyo ang MOH ng malawakang bakunasyon simula Abril, kasunod ng deklarasyon ng outbreak. Layunin ng inisyatibang ito na matiyak na marami sa mga residente ay magkaroon ng access sa bakuna laban sa tigdas, na siyang magpo-protekta sa kanila mula sa nakakahawang sakit na ito.
“Bilang tugon sa lumalaking banta ng outbreak, mas papalawigin ng MOH ang pagbabakuna sa mga komunidad sa Bangsamoro upang masiguro na marami sa mga batang Bangsamoro ay bakunado laban sa tigdas,” sinabi ni MOH Deputy Minister Dr. Zul Qarneyn Abas.
(“In response to the growing threat of the outbreak, MOH will undertake an expansion of vaccination activities in Bangsamoro communities to ensure a larger proportion of the Bangsamoro children is vaccinated against measles.”)
Ang tigdas ay isang sakit na dala ng isang mapanganib na virus na madaling kumalat sa mga lugar na mababa ang vaccination rate at nagdudulot ng malaking banta sa kalusugan ng publiko.
Maaari nitong maapektuhan ang sinuman ngunit pinakakaraniwan ito sa mga bata at madaling kumalat kapag ang mayroon nito ay huminga, umubo, o bumahing. Maaari rin itong magdulot ng malalang sakit, komplikasyon, at maging kamatayan.
Mula ika-1 ng Enero hanggang ika-20 ng Marso 2024 ay nakapagtala ng 592 kaso sa rehiyon. 521 dito ang hindi bakunado at 71 naman ang bakunado.
Pinakanaapektuhan ng measles outbreak ang Lanao del Sur, na may 220 kaso, na bumubuo sa 37% ng kabuuang kaso na rehiyon. Dalawa ang nasawi sa nasabing probinsya, at isa naman mula sa Sulu.
Hinimok ni Abas ang mga Bangsamoro na tiyaking napapanahon ang kanilang bakuna laban sa tigdas at manatiling aktibo sa pagpo-protekta sa kanilang mga sarili at pamilya.
Aniya, “Hinihikayat namin ang mga magulang na pabakunahan at kanilang mga anak laban sa tigdas. Ito ang pinakaligtas na depensa laban sa virus. Sa inyong pakikipagtulungan sa amin, maaari nating mabawasan ang pagkalat ng naiiwasang sakit na ito.”
(“We urge Bangsamoro parents to vaccinate their children against measles. This remains the most effective defense against the virus. By working with us, we can minimize the spread of this preventable disease.”)
Mahigpit na nakikipag-ugnayan na ngayon ng MOH sa mga healthcare provider, paaralan, local partner, media, at ibang stakeholder upang mapataas ang kamalayan ng publiko patungkol sa kahalagahan ng bakunasyon laban sa tigdas at maiwasan ang paglaganap ng virus.
Diin ng health ministry na ang pagpapabakuna ay isang ligtas, halal, at subok ng paraan upang maiwasan ang tigdas at ang maaring malubhang epekto nito. (Johaira Sahidala, Bai Omairah Yusop/BIO)