Cotabato City (May 29, 2020) – Opisyal nang pinasinayaan ng Bangsamoro Government ang 100-bed capacity isolation facility nito para sa Coronavirus Disease (Covid-19) sa Sultan Kudarat, Maguindanao.
Itinayo ito sa loob lamang ng apat napung (40) araw sa, pangunguna ng Ministry of Public Works (MPW-BARMM). Kasabay ng inagurasyon nito noong Huwebes, May 28, ay ang pormal na pag turn-over ng naturang pasilidad sa Cotabato Sanitarium Hospital (CSH).
Inaasahang magsisimula ang operasyon nito sa ikalawang linggo ng Hunyo.
Ang nasabing seremonya ay pinangunahan ni Bangsamoro Chief Minister Ahod Ebrahim.
Ayon sa kanya, ang pagtayo ng 100-bed isolation facility ay kabilang sa mga agarang tugon ng Bangsamoro Inter-Agency Task Force’s (BARMM-IATF) upang maagapan at ma-kontrol ang pagkalat ng Covid-19 sa rehiyon.
“Bilang resulta ng ating pagtutulungan na labanan ang pandemiyang ito, narito tayo ngayon naisakatuparan ang isang yugto sa laban na ito ,” sabi ni Ebrahim.
“Tiniyak ng BIATF na ang mga pangunahing serbisyo ay maihatid, ang mga preventive measures ay mahigpit na maipatutupad, at ang pinakamahalaga ay matiyak na ma-isolate ang COVID-19,” dagdag ni Ebrahim.
Bukod pa rito, sinabi rin ni Health Minister Dr. Safrullah Dipatuan na ang itinayong 1000-square meter na pasilidad ay sumailalim sa konsultasyon at naaayon sa minimun standards na itinakda ng World Health Organization (WHO) para sa isang Covid-19 isolation facility.
“Ang Covid-19 isolation center ay napakahalaga, kung wala ito ay mahihirapan tayong labanan ang pandemyang ito,” sabi ni Dipatuan.
Ayon naman kay MPW Minister Eduard Guerra ang pagtatayo ng Covid-19 center, na nagkakahalaga ng P21-milyon, ay dumaan sa iba’t ibang hamon dahil sa hinaharap na pandemiya, ngunit naisakatuparang makumpleto ito ng MPW sa itinakdang oras.
“Normally, kapag sinasabing isolation facility, ito’y pansamantala lamang. Ngunit ginawa natin itong permanente. Nang sa ganon kahit na matapos na ang Covid-19 ay maaari pa rin itong gamitin ng ospital bilang expansion,” sabi ni Guerra.
Ayon kay Cotabato Sanitarum Hospital Chief Dr. Ibrahim Pangato, ang naturang pasilidad ay malaking tulong hindi lamang para sa mga mamayan ng Maguindanao, kundi para na rin sa mga kalapit-probinsya.
“Ang pasilidad na ito, at ang iba pang mga isolation facility na itatayo sa iba’t- ibang mga lugar sa BARMM, ay nagpapakita na ang Bangsamoro Government ay tumutupad sa mga pangako nito. Walang mag-aakalang matatapos ito sa loob lamang ng apat napung araw,” sabi ni Pangato.
Ang nasabing inagurasyon ay dinaluhan ni Sultan Kudarat Mayor Datu Shameem Mastura, Member of Parliament Datu Tucao Mastura, BIATF Spokesperson Mohd Asnin Pendatun, Chief of Staff Alvin-Yasher Abdulgafar, at DOH 12 Regional Director Aristides Conception Tan.
Samantala, kasalukuyang namang itinatayo ang isa pang Covid-19 isolation center sa munisipalidad ng Datu Blah Sinsuat, Maguindanao. (Bureau of Public Information)