JOLO, Sulu – Bilang hakbang tungo sa pagkakaroon ng mas komprehensibo at wastong representasyon ng Bangsamoro heritage ay opisyal na lumagda ang Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage (BCPCH) at Mindanao State University-Sulu (MSU-Sulu) sa isang Memorandum of Agreement (MOA)
Dinaluhan ang ceremonial signing ng mga mahahalagang opisyales ng dalawang institusyon na siyang sumisimbolo sa isang makabuluhang aksyon sa pagpapalakas ng mga hakbang upang maisama ang Bangsamoro heritage sa sektor ng edukasyon, na siyang magpapayaman sa pag-unawa at pagpapahalaga sa kasaysayan at kulturang pamana ng Bangsamoro.
Idinaos ang pagpapatibay sa kasunduan sa opisina ng MSU-Sulu Chancellor, na siyang pinangunahan ni BCPCH Chairperson Salem Y. Lingasa at MSU-Sulu Chancellor Prof. Nagder J. Abdurahman.
Pinuri naman ni Chairperson Lingasa ang MSU-Sulu para sa kanilang matibay na commitment sa kahusayan sa pananaliksik at ang kanilang makabuluhang gampanin sa pagsasama ng kasaysayan ng Bangsamoro sa kanilang educational curriculum.
Dagdag pa rito, muling pinagtibay ni BCPCH Sulu Community Affairs Officer II, Nurkadri J. Hamsali, ang kanyang dedikasyon na maidokumento at mapreserba ang mayamang kulturang pamana ng mga mamamayang Bangsamoro.
Ang pagtutulungang ito ng BCPCH at MSU-Sulu ay sumisimbolo sa mahalagang pagbabago sa pagbabahagi ng mayamang kasaysayan ng komunidad ng Bangsamoro. Inaasahang magreresulta ang kolaborasyon ito sa mas malalim na pagkakaunawa sa kultural na pamana ng Bangsamoro. (Alline Jamar Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)