COTABATO CITY— Balak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na palawakin ang Islamic banking services sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), kung saan layunin nitong maisali ang mga non-Islamic banks sa mga institusyong nag-aalok ng mga serbisyong sumusunod sa Shari’ah.
Sa isang media information session na ginanap nitong Martes, Oktubre 22, sinabi ng mga opisyal ng BSP na ang inisyatibang ito ay magbibigay ng mga bagong pinansyal na oportunidad sa rehiyon at magpapalawak ng access sa Islamic banking services sa bansa.
Sa kasalukuyan, ang mga institusyon tulad ng Al-Amanah Islamic Investment Bank of the Philippines (AAIIBP) at CARD Bank Inc. ay nag-aalok ng Islamic banking services sa rehiyon. Gayunpaman, pinag-aaralan ng BSP ang posibilidad na magkaroon ng mga serbisyong gaya nito ang non-Islamic banks.
Gayunpaman, pinag-aaralan ng BSP ang posibilidad na mapabilang ang non-Islamic banks sa nagbibigay ng serbisyong pinansyal alinsunod sa batas ng Shari’ah.
“Meron pong batas na nagpapatibay sa Islamic banking sa Pilipinas. Meron din po kaming hiwalay na grupo na tumutugon dito. Kaya kahit ang mga bangko na hindi Islamic bank ay maaaring mag-alok ng Islamic banking windows. Hindi kailangang maging Islamic bank ang isang bangko para makapagbigay ng serbisyong pang-Muslim o sumusunod sa Shari’ah law,” sabi ni Arnel Adrian Salva, deputy director ng BSP Economic and Financial Learning Office.
Ang hakbang na ito ay naglalayong lumikha ng mga mas inklusibong pinansyal na opsyon sa BARMM, kung saan matatagpuan ang karamihan ng mga Muslim sa bansa.
Ayon sa Republic Act No. 11439, isang batas na nagbibigay regulasyon at organisasyon sa mga Islamic banks, ang Islamic banking business ay tumutukoy sa isang uri ng pagbabangko na ang mga layunin at operasyon ay hindi gumagamit ng interes (ribā) na ipinagbabawal sa ilalim ng Shari’ah at nagsasagawa ng mga transaksyon alinsunod sa mga prinsipyo ng Shari’ah.
Samantala, binanggit ni Zarina Aglisao, direktor ng BSP Cotabato Branch, na sila ay kasalukuyang nakikipag-ugnayan sa Bangsamoro Government at mga lokal na academic institution upang maglunsad ng mga information sessions na layong tugunan ang mga katanungan ng publiko at maipaliwanag nang maayos ang prinsipyo ng Islamic banking. Layunin din nitong maituwid ang mga maling impormasyon patungkol dito.
Ang Bangsamoro Government at ang BSP ay may mahalagang papel din bilang mga miyembro ng Shari’ah Supervisory Board. Sa pamamagitan ng mga inisyatibong kagaya nito, magkakaroon ng mas malawak na access ang mga residente ng BARMM sa mga serbisyong pampinansyal na naaayon sa kanilang kultura at relihiyon.
Ang nasabing media information session ay dinaluhan ng iba’t ibang media practitioners sa Cotabato City upang talakayin ang pangunahing mga tungkulin ng BSP, mga inisyatiba sa digital payment, at financial consumer protection. Pangunahing layunin nito na maipaabot sa masa ang mga kaalamang may kinalaman sa pananalapi, pag-iimpok, at iba pa. (Norjana Malawi/Aisah Abas/BIO)