INDANAN, Sulu —Namahagi ang Bangsamoro Women Commission (BWC) noong ika-4 ng Agosto ng tulong pangkabuhayan sa 30 kababaihang Tausug upang mapalakas ang kanilang pagnenegosyo at ekonomiyang kapasidad.
Bawat isa ay tumanggap ng P20,000 sa pamamagitan ng proyektong Special Development Fund – Kabuhayan ni Kakah Bai (SDF-KKB), isang bagong inisyatiba ng BWC na nakapokus sa pagpapalakas ng mahihirap na sektor at pagsusulong ng pagnenegosyo upang makagawa ng sustainable na pangkabuhayan at maitaguyod ang pag-unlad ng ekonomiya sa grassroots level.
Binigyang-diin ni BWC-Sulu Commissioner Nurunnihar B. Mohammad ang kahalagahan ng pamamahala ng negosyo, at binanggit na ang pamamalakad ng isang negosyo ay nangangailangan ng commitment at pokus.
“Sa negosyo, kailangang epektibo ang pagpapatakbo mo rito… Wag kang matakot na maghanap buhay,” sinabi ni Mohammad sa kanyang mensahe.
[In pag-usaha, subay niyu tuud ayaran… Ayaw kita niyu masipug mag-usaha.]
Nagpasalamat naman si Ainol Jamiol, isa sa mga benepisyaryo, para sa tulong na ayon sakanya ay makatutulong na mapalaki ang kanyang negosyo at makakapagbigay ng mas magandang kinabukasan sa kanyang pamilya.
“Dahil sa inyong tulong pinansyal na ibinigay sa amin, gagamitin naming ito nang maayos para sa aming negosyo… Lubos kaming nagpapasalamat sa inyong lahat,” pahayag ni Jamiol.
[In kami ini, in dihil niyu sīn kamu, hipag-usaha tuud namu marayaw… Magpasalamat tuud kami kaniyu katan.]
Bago pa man ang pamamahagi ng pinansyal na tulong ay lumagda ang mga benepisyaryo sa isang kontrata at nakatanggap ng karagdagang materyales, kabilang ang mga tarpaulin, columnar, at monitoring book, upang masuportahan ang pamamalakad ng kanilang negosyo.
Sa pamamagitan ng mga inisyatibang tulad ng proyektong SDF-KKB, patuloy ang BWC sa pagbibigay ng prayoridad sa pagpapalakas ng pagnenegosyo na malaki ang epekto sa buhay ng mga indibidwal at pagpapaunlad ng komunidad sa BARMM. (Alline Jamar M. Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)