COTABATO CITY—Nangako ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) na pagbubutihin at ilalatag ang groundwork para matulungang maabot at malinang ng mga persons with disabilities (PWDs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang kanilang buong potensyal.
Pinatunayan ang commitment na ito ng MSSD nang pormal na itinurnover ang Center for the Handicapped ng Department of Social Welfare and Development (DSWD-XII) sa MSSD, kasabay ng kanilang paglalagda sa Memorandum of Agreement (MOA) noong ika-3 ng Nobyembre dito sa lungsod.
Layon ng Center for the Handicapped na isulong ang kakayahan ng mga PWD na maging self reliant bilang mahalagang mamamayan ng bansa. Nag-aalok din ito sa mga benepisyaryo ng vocational and social na rehabilitawtion sa nakalipas na 32 taon.
Ayon kay MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie, magpapatuloy ang Ministry sa paggawa ng mga assistive devices, referrals para sa mga specialized treatments, access sa mga tulong pangkabuhayan at pang-edukasyon, at iba pang mga programang mayroon para sa mga PWDs na nakaayon sa Republic Act No. 11054 o ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
“Matitiyak na natin na ang Bangsamoro Government ay may pasilidad at kapasidad na isagawa ang mandato nito na makapagbigay ng pagkakataon para sa mga PWD na makapag-ambag sa komunidad na katumbas, o kung hindi man ay mas higit pa, sa mga di kahalintulad sa kanilang kategorya,” diin ni Jajurie.
Bukod dito, ibinahagi naman ni MSSD Bangsamoro Director-General Atty. Mohammad Muktadir Estrella ang katatagan ng Ministry sa paghahatid ng inklusibidad sa unahan ng bawat antas ng pamamahala, habang binibigyang-diin nito ang pokus sa kalagayan ng mga PWD sa kanilang strategic planning at pag-iimplementa ng programa.
Ipinahayag din ni Estrella ang optimismo para sa magtatayo ng mga PWD center sa ibang probinsya sa BARMM. Dagdag pa niya naisagawa na ang konsultasyon para sa Magna Carta for the PWDs sa BARMM kaya naman di malayong maumpisahan na rin ang iba pang proyekto kaugnay sa social protection.
Samantala, ikinonekta ni DSWD XII Regional Director Loreto Cabaya Jr. ang kanilang walang patid na suporta sa dedikasyon ng National Gov’t sa pagpapaabot ng mga tulong para sa Bangsamoro region, lalo pa sa panahon ng sakuna at kalamidad.
“Hindi lang namin itinurn over ang center sa kadahilanang gusto lang naming sundin ang mga probisyon sa ilalalim ng BOL. Ginagawa rin namin ito upang mabigyang pagkakataon ang BARMM na tumindig at makapagbigay ng makabuluhang serbisyo,” sinabi ng Regional Director.
Ibinahagi ni Vilma Cabrera, Undersecretary for the National Household Targeting System (NHTS) at Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD-Central Office, ang interest ng kagawaran sa pagtatatag ng isang technical group na hangaring mahasa ang mga manggagawa ng MSSD at maituloy at mapahusay pa ang mga serbisyong panlipunan na inihahandog sa Bangsamoro PWDs.
Ang pagtatatag ng mga care facilities para sa mga PWD ay nakaangkla sa panlabindalawang priority agenda ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim, na nakasentro sa pagtatatag ng mga naaayong institusyon para sa mga ‘self-sustaining’ at inklusibong kaunlaran ng mga mahihirap na sektor. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)