Cotabato City (May 21, 2020) – Inanunsyo ng Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) nitong ika-20 ng Mayo, ang pagkatanggap nito ng ‘license to operate’ bilang kauna-unahang testing laboratory for Coronavirus disease (Covid-19) sa loob ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay matapos opisyal na binigyang pagkilala ng Department of Health (DOH) Central Office ang CRMC sa pagsagawa ng Rapid Polymerase Chain reaction (PCR) gamit ang GeneXpert machine na ginagamit din para sa Tuberculosis (TB).
Sa isang press conference nitong Miyerkules, sinabi ni CRMC Chief of Hospital Dr. Helen Yambao, “Gumagamit kami ng Xpert Xpress SARS-CoV-2, FDA-approved RT-PCR testing kit, isang acceptable confirmatory testing para sa SARS-CoV-2 at maaaring umabot ng 45 minutes.”
Aniya, ang Department of Pathology ng ospital ay sumunod sa lahat ng mga kinakailangang requirements upang maging isang licensed independent hospital-based Covid-19 Testing sub-national Laboratory ang CRMC.
Binigyang diin nito na ang CRMC ay dumaan sa masusing pagsisiyasat ng DOH Central Office sa pamamagitan ng Health Facilities Services and Regulatory Bureau (HFSRB), Research Institute for Tropical Medicine (RITM) , World Health Organization (WHO), at DOH 12 Regulation. Licensing, and Enforcement Division (RLED).
Samantala, nagpahayag ng pasasalamat si Dr. Yambao sa Bangsamoro Government sa pondong inilaan nito na nagkakahalaga ng P14.1 milyon para sa pagkakaroon at pag-upgrade ng mga medical at laboratory supplies ng ospital upang magsagawa ng diagnostic test para sa Covid-19.
“Nais naming ipahayag ang aming taos-pusong pasasalamat sa BARMM, lalo na kay Bangsamoro Chief Minister Ahod Al Haj Murad Ebrahim, Health Minister Dr. Safrullah Dipatuan at iba pang mga ministro ng BARMM na naging bahagi ng tagumpay ng proyektong ito,” ani Yambao.
Sinabi naman ni Chief Minister Ebrahim na ang Bangsamoro Government ay patuloy na magiging katuwang ng mga institusyong pangkalusugan, at naglalayong makapagbigay pa ng tulong sa iba pang mga lugar ng Bangsamoro Region.
Aniya, “Binabati namin ang CRMC sa kanilang accreditation bilang isang sub-national testing laboratory for Covid-19. Ito ay malaking tulong sa BARMM at Region 12 sa patuloy na pagsunod sa national strategy ng D.I.T.R o detect, isolate, treat, at reintegrate.”
Matatandaang noong April 23, 2020 ay pumirma sa isang kasunduan ang Bangsamoro at CRMC kung saan gagamitin ng CRMC ang P14.1 milyong pondo para sa pagkuha ng medical, laboratory supplies at reagents; pagpapaayos ng CRMC Laboratory at sweldo ng contractual laboratory personnel; at maintenance at iba pang operating expenses.
Sinabi rin ni Yambao, na may karagdagan pang bio-rad machine, para sa PRC confirmatory test na nabili mula sa ibinigay na pondo.
Saad nito, ang Covid-19 testing laborartory ay “tatanggap ng specimens ng mga pasyente, lalong lalo na mula sa Region 12 at BARMM.”
Binigyang diin ni Yambao, na hindi sila tatanggap ng specimen mula sa mga pasyenteng walk-in o direktang tinukoy ng mga LGU, mga ospital at clinics. Ang mga specimen lamang mula sa suspect o probable Covid-19 ang tatanggapin.
“Ang priority testing ay gagawin para sa may kritikal na kaso at repeat tests para sa pag-monitor ng COVID-19 positive case,
” ani Yambao.
Tatanggapin ng CRMC ang mga specimen na mula sa Regional Epidemiology Surveillance Unit (RESU) ng DOH Regional Office XII at Ministry of Health (MOH-BARMM), mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon , kabilang ang weekends at holidays. (Bureau of Public Information)