COTABATO CITY—Inilunsad ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) ang “digital payout services” para sa mas madali at mas mabilis na access sa serbisyong pinansiyal ng Bangsamoro Government.
Noong ika-12 ng Hunyo ay ipinakilala ng MSSD ang Financial Assistance System Transformation (FAST) Project, isang digital payout service na naglalayong makapagbigay ng madali at agarang access sa serbisyong pinansiyal ng Bangsamoro Government.
Ang FAST project na suportado ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) at Australian Aid ay binubuo ng pitong implementation strategies. Ang mga istratehiyang ito ay nakatuon sa pagpapabuti ng kahusayan ng serbisyo, pagpapalawig ng koordinasyon sa mga ahensya, pagtataguyod ng data inter-operability, pagsusulong ng financial inclusion, at pagsuporta ng digital infrastructure.
Sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang financial service providers (FSPs) gaya ng Amanah Islamic Bank, Palawan Pawnshop, Cebuana Lhuillier, MLhuillier, Development Bank of the Philippines, Landbank of the Philippines, G-Cash, Maya, Asian United Bank, Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), at Universal Storefront Services Corporation (USSC), inaasahang magiging posible na ang over-the-counter payment.
Binigyang-diin naman ni MSSD Minister Atty. Raissa Jajurie na ang inisyatibong ito ay bahagi ng digital infrastructure at e-governance na nakahanay din sa Enhanced 12-point priority agenda ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim.
“Itong pagsisimula ng financial inclusion and literacy caravan, gusto po natin gawin din ito sa iba-ibang lugar dahil ang serbisyo ng BARMM at ang MSSD ay sa lahat ng (mamamayan) sa probinsya, lahat ng lungsod at ng barangay sa SGA na kinabibilangan ng mga Bangsamoro,” sinabi ni Jajurie.
Kamakailan lamang ay nakatanggap ng Php6,000.00 kada isa ang 800 katao mula sa mga iba’t ibang barangay ng siyudad bilang parte ng programang ‘Kalinga para sa may Kapansanan’ ng MSSD.
“Isa itong programang hindi niyo makikita sa ibang lugar sa buong Pilipinas, dahil sa MSSD lang mayroong programa para sa PWDs na financial assistance na ibinibigay kada buwan,” dagdag niya.
“Nararapat lamang na unang bigyan ang mga PWDs under the financial inclusion and literacy caravan,” pagpapaliwanag ni Jajurie bilang suporta sa kanilang pangunahing pangangailangan at gamot.
Lumagda rin si Minister Jajurie at Mindanao Regional Director for Bangko Sentral ng Pilipinas Dr. Judit Dolot sa isang Memorandum of Agreement (MOA) upang gawing pormal ang kanilang kolaborasyon sa FAST Financial inclusion and literacy.
Nagpahayag naman ng pasasalamat sa MSSD ang isa sa mga benepisyaro ng Kalinga program na si Bai Limping, aniya “salamat po sa matyagang paghahanap sa amin na mga PWDs lalo na sa MSSD, salamat po sa inyong suporta sa amin.”
Layunin ng MSSD na mapalawig pa ang istratehiyang ito upang maisama rin ang iba pang programang kahalintulad nito sa pagsapit ng taong 2028, katuwang ang ibang ministeryo sa BARMM. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)