COTABATO CITY—Nakatakdang ilunsad ng Bangsamoro Government ang Housing Loan Program nito sa ika-apat na quarter ng 2023 na layuning mag-alok ng abot-kayang housing units para sa mga empleyado ng Bangsamoro region.
Kabilang sa Housing Loan Program ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) ang 100 housing units na tapos na at maaari nang tirhan sa Brgy. Semba, Datu Odin Sinsuat Municipality ng Maguindanao del Norte.
Layunin ng programa na makapagbigay ng oportunidad na magkabahay ang mga empleyado sa Bangsamoro region na may katamtamang kita at hindi kayang makapagpatayo ng sariling bahay.
Sa isang panayam kay MHSD Director-General Esmael Ebrahim noong ika-22 ng Setyembre ay binigyang-diin niya ang pinansyal na kahalagahan ng housing loan program.
“Kung ikukumpara sa pag-uupa ng bahay sa Cotabato City na P10,000 kada buwan ang binabayaran, mas magandang magkaroon ng sariling bahay na binabayaran mo kada buwan at sa huli ay ikaw na ang magmamay-ari ng nito,” pahayag niya.
Ayon sa nakaraang coordination meeting ng Ministry kasama ang Office of the Chief Minister (OCM), Ministry of Finance, Budget and Management (MFBM), at Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA), inaasahan na hindi lalagpas sa P4,000 bawat buwan ang buwanang bayad sa loob ng 15 na taon.
Ibinahagi rin ng Director-General ang binuong alituntunin na naglalaman ng mga kwalipikasyon para sa mga posibleng benepisyaryo ng nasabing programa.
Ayon sa presentasyon ni Ebrahim, ang mga benepisyaryo ay dapat na mga mamamayang Pilipino na hindi lalagpas sa 55-taong gulang, permanenteng empleyado ng gobyerno, aktibong miyembro ng Pag-IBIG Fund na may gross monthly income na di hihigit sa P27,000 (SG11), at hindi dapat nagmamay-ari ng anumang real estate sa urban o rural na lugar.
Idinagdag niya rin na may mga kasalukuyang pag-uusap hinggil sa kung ang programa ay maaaring ma-avail ng lahat ng empleyado ng ibang BARMM Ministries, Offices, at Agencies (MOAs), at idiniin na ang programa ay nasa “first-come, first-served basis”.
Ang inisyatibang ito na mamuhunan sa estratehikong imprastraktura para sa pag-unlad ng ekonomiya sa nakahanay sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim. (Johamin Inok, Bai Omairah Yusop/BIO)