PATIKUL, Sulu – Sinimulan na ng Bangsamoro Government ang pagpapatayo ng isang one-storey multipurpose human development training center sa Mindanao State University (MSU) Sulu Campus bilang hakbang para sa pag-abot ng kalidad at holistic na edukasyon para sa kabataang Bangsamoro.
Pinangunahan ng Ministry of Human Settlements and Development (MHSD) ang isinagawang groundbreaking ceremony noong ika-30 ng Enero, na siyang tinunghayan ni MHSD Deputy Minister Aldin Asiri, MHSD-Sulu Provincial Director Atty. Najira Hassan, at MSU-Sulu Chancellor II Prof. Nagder Abdurahman.
Sa kanyang pambungad na pananalita ay nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Chancellor Abdurahman sa Bangsamoro Government at kay Member of Parliament (MP) at Deputy Floor Leader Atty. Jose Lorena, na nagpasimula ng naturang proyekto sa pamamagitan ng kanyang Transitional Development Impact Fund (TDIF).
“Talagang pinakinggan ng ating mga lider sa Bangsamoro ang ating kahilingan… sa tulong na sponsorship ng ating Hon. MP [Lorena], lalo na ang ating Chief Minister Hon. Ahod Ebrahim,” sinabi ni Abdurahman.
Dagdag niya, “Magagamit ito ng mga stakeholder ng unibersidad at makatutulong nang malaki sa pagdaraos ng mga pagsasanay, lalo na sa pagsasagawa ng mga kompetisyong pang-akademiko. Ito ay isang panalanging nasagot. Ito ay isang mahalagang kaganapan para sa ating mga mag-aaral.”
Maliban dito, binigyang-diin naman ni Deputy Minister Asiri na ang training center ay maaring magbigay-daan upang mahasa ang kaisipan ng mga kabataang Bangsamoro at makatutulong na mapahusay ang kanilang mga kakayahan at talento.
“Talaga namang magsisilbi itong dausan para sa mga pagsasanay ng ating mga kabataan at mag-aaral ng MSU-Sulu, In Shaa Allah,” pahayag ni Asiri at idinagdag niya na ang nasabing center ay magiging lugar kung saan ang mga natipon ay makakakuha ng kaalaman at kakayahan upang mapabuti ang kanilang buhay.
Ang isinagawang groundbreaking ceremony ay hindi lamang isang mahalagang kaganapan para sa MSU-Sulu, kundi nagpakita rin ito ng commitment ng BARMM na maitatag ang mas malakas na burukrasyang nagtatrabaho para sa isang matatag, nagkakaisa, at progresibong Bangsamoro. (Alline Jamar M. Undikan, Bai Omairah Yusop/BIO)