COTABATO CITY – Nai-turn over na sa municipal government ng Lantawan sa Basilan ang bagong pampublikong pamilihang itinayo ng Bangsamoro Government na nagkakahalaga ng Php25-milyon.
Sa isinagawang turnover ceremony noong ika-4 ng Agosto, sinabi ni Interior and Local Government Minister Atty. Naguib Sinarimbo na ang bagong pamilihang bayan ay inaasahang makakatulong sa paglago ng ekonomiya ng probinsiya.
Ayon pa sa kanya, ang pasilidad ay magbibigay ng oportunidad na makapagtrabaho at makapagnegosyo hindi lamang ang mga mamamayan ng Lantawan kundi pati na rin ang lokal na pamahalaan nito.
“Dalawang bagay ang naisip namin: una, tulungan ang mga kababayan natin na magkaroon ng oportunidad na kumita at ang praktikal na paraan ay ang pagnenegosyo, lalo na kung may pamilihan. Pangalawa, gusto rin natin na matuto ang lokal na pamahalaan na kumita, di lamang dahil sa Internal Revenue Allotment (IRA) kundi sa pamamagitan ng economic enterprise tulad ng pamilihan na ito,” pahayag ni Sinarimbo.
Dagdag pa niya, nilalayon ng Ministry of the Interior and Local Government (MILG) na matulungan ang iba’t ibang local government units na mapabuti pa ang kanilang operasyon upang mas mapadali ang paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa mamamayang Bangsamoro. Ito ay alinsunod din sa Enhanced 12-Point Priority Agenda ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim.
“Sa loob ng maraming taon, nakita natin [ang pagbabago] dahil dumadaan tayo sa transisyon mula sa kaguluhan patungong kapayapaan, at sana sa kaunlaran. Hindi natin mapapanatili ang kapayapaan kung walang pagbabagong mararamdaman ng ating mga kababayan,” sinabi ni Sinarimbo.
Ipinaliwanag din ng minister na ang pampublikong pamilihan ay mayroong modernong disenyo na hango sa mga pamana at tradisyon ng Bangsamoro.
“Binubuo ito ng ground floor and mezzanine kung saan pwedeng maglagay ng negosyo tulad ng coffee shops at dry goods,” dagdag niya.
Samantala, sinabi naman ni Municipal Administrator Tahira Ismail na ang pampublikong pamilihan ay makatutulong sa mga mamimili na sila ay magkaroon ng access sa dekalidad na pagkain, oportunidad na makapagnegosyo, at mapalakas pa ang pagtutulungan sa lipunan.
“Sa mga mamamayan ng Lantawan, ang gusaling ito ay bigay ng BARMM hindi lang para sa municipal government, kundi, kung sino ang gusto mag-negosyo. Mag-apply kayo sa Treasurer’s Office para mabigyan kayo ng permit bilang occupants sa public market na ito,” sinabi ni Ismail.
Sa parehong araw ay idinaos din ang isang groundbreaking ceremony para sa limang units na two-storey village hall para sa limang barangay sa munisipalidad ng Lantawan. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MILG)