Cotabato City (Hunyo 5, 2020) – Inanunsyo ng Ministry of Health (MOH) sa isinagawang press briefing ngayong araw na magtatayo pa ang Bangsamoro Government ng karagdagang laboratory testing at isolation facilities upang mapaigting pa ang paglaban nito sa Coronavirus Disease (Covid-19).
Sinabi ni MOH Minister Dr. Saffrullah M. Dipatuan na, “pinapalakas natin ang pagtatayo ng mga Covid-19 testing facility sa iba’t-ibang probinsya sa BARMM. Kabilang dito ay ang Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City, Lanao de Sur, kung saan maglalaan si Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim ng halagang 15-milyong piso upang makapagtayo ng testing laboratory.”
Ibinahagi rin ni Dipatuan na ngayong araw ay opisyal na ring nagsimula ang konstruksyon ng bagong 100-bed capacity na Covid-19 isolation facility sa Datu Blah District Hospital sa North Upi, Maguindanao.
Sinabi nya na plano rin ng Bangsamoro Government na magtayo ng mga testing facilities sa bawat island provinces ng Sulu, Basilan at Tawi-Tawi.
Tiniyak din ni Dipatuan na sapat pa ang inilaang pondo ng BARMM para sa paglaban sa Covid-19.
“Walang problema pagdating sa pondo ng rehiyon para Covid-19. Sa katunayan, bilang paghahanda ng MOH, magbibigay kami ng P2-milyong piso para sa ating Integrated Provincial Health (IPHO) bilang paghahanda sa mga kababayang uuwi sa probinsya ng BARMM; P500-libong piso (P500,000.00) para sa bawat ospital sa BARMM, at patuloy naming sinusuportahan ang Rural Health Units (RHU) sa paglalaan ng dalawampu’t libong piso (P20,000.00) bawat buwan.
“Kami ay binigyan ng 100 katao na mamamahala sa karagdagang mga Covid-19 facilities sa iba’t ibang lugar sa rehiyon,” aniya.
Ibinahagi rin ni Dipatuan na sa kasalukuyan, ang BARMM ay may kabuuaang 138 isolation facilities na may 4,360-bed capacity sa buong BARMM.
Samantala, sa kabuuan, ang BARMM ay nakapagtala ng 28 na kumpirmadong kaso ng Covid-19, apat dito ang namatay, pito ang gumaling at 16 ang kasalukuyang naka-admit sa ospital.
Ang bagong kaso na naitala ay isang 43 taong gulang na lalaki, mula sa lungsod ng Lamitan, asymptomatic at may travel history mula sa Zamboanga City. (Bureau of Public Information)