COTABATO CITY— Opisyal nang nai-turn over ng Bangsamoro Government ang kauna-unahang Bangsamoro Integrated Halal Slaughterhouse at meat processing facility sa mga bayan ng Datu Salibo at Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao del Sur noong ika-23 ng Agosto.
Nagkakahalaga ng Php3.8 milyon ang integrated Halal slaughterhouse na nasa Barangay Sambolawan, Datu Salibo, samantalang Php3.3 milyon naman ang halaga ng halal meat processing at training center na matatagpuan sa Barangay Madia, Datu Saudi Ampatuan.
Hangarin ng Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform (MAFAR) na matiyak na may sapat na suplay ng pagkain at mabawasan ang pagdepende sa mga imported na karne na maaaring hindi sumusunod sa mga kwalipikasyon ng pagiging Halal.
Kinokonsiderang Halal ang mga pagkain at produkto na pinapayagan ayon sa mga batas ng Islam.
Sa isinagawang turnover ceremony, binigyang-diin ni Daud Lagasi, MAFAR director general for agriculture services, na ang mga pasilidad ay mahalaga sa hangarin ng Ministry na makapagtatag ng isang sigurado at maasahang mapagkukunan ng Halal-compliant na mga karne.
Sinisimbolo ng proyekto ang kahalagahan ng pagkakaisa sa komunidad, ayon naman kay Datu Salibo Municipal Mayor Sulaiman Sandigan.
“Ngayon na nandito na ang slaughterhouse, kailangang sulitin natin ito at pakinabangan kaagad para sa mga mamamayan ng Datu Salibo at ng mga karatig bayan ,” pahayag ni Mayor Sandigan.
Ang Halal meat processing and training center daw ay magiging instrumento sa pagsisikap ng Bangsamoro Government na makagawa ng mga pagkaing tiyak na Halal. Magsisilbi rin ang pasilidad bilang plataporma para sa mga training programs na kaugnay sa pagpoproseso ng mga karneng Halal.
Para kay Datu Saudi Ampatuan Municipal Mayor Edris Sindatok, napakalaking tulong ng proyekto dahil, “bilang isang Bangsamoro, hindi lamang mahalaga na magkaroon tayo ng halal facility na ito, kundi kailangan natin ito. Kailangan natin na makita mismo kung paano pinoproseso ang karne lalo na ang pagiging Halal compliant nito,” aniya.
Naipagkatiwala ang pamamahala ng Integrated Halal Slaughterhouse sa Uton Farmers Agri-Business Marketing Cooperative ng Datu Salibo, samantalang ang Halal Meat Processing and Training Center naman ay pangangasiwaan ng Youth and Women Producers Cooperative ng Datu Saudi Ampatuan.
Isa sa mga pangunahing elemento ng Enhanced 12-Point Priority Agenda ni BARMM Chief Minister Ahod Ebrahim ang pagsusulong ng pagpapaunlad at pagpapatupad ng mga programang magpapadali ng access sa kapital, resources, training, mga pasilidad, at mga kagamitan para sa mga magsasaka at mangingisda. (Kasan Usop, Jr., Bai Omairah Yusop/ na may ulat mula sa MAFAR)