COTABATO CITY—Sinimulan na ng Bangsamoro Government, sa pamamagitan ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS) at sa pakikipagtulungan kay MP Muslimin Jakilan, ang pagpapatayo ng isang peace playground sa Sitio Sayugan, Barangay Maligaya, Lamitan City, noong ika-31 ng Hulyo, upang maitaguyod ang pagkakaisa at maisulong ang kultura ng kapayapaan.
Ang nasabing playground ay dinisenyo upang makapagbigay ng ligtas na lugar para sa mga bata kung saan maari silang makapaglaro at makihalubilo sa iba, na siyang sumisimbolo sa kapayapaan at pagkakaisa ng iba’t ibang pangkat-etniko at relihiyon sa lugar.
Binigyang-diin ni MP Muslimin Jakilan ang kahalagahan ng pag-iinvest sa mga recreational facilities para sa nakababatang henerasyon.
“Ang Bangsamoro Peace Playground ay higit pa sa pagiging recreational facility; ito ay isang communal space kung saan ang mga pamilya ay maaaring magsama-sama, na nagpapaunlad ng kultura ng kapayapaan, kaligtasan, at maayos na pamumuhay,” sinabi ni Jakilan.
Dagdag pa niya na ang nasabing playground ay makatutulong sa mga kabataan na personal at propesyonal na umunlad, habang ito ay nagsisilbing lugar ng pagtitipon para sa komunidad.
Inaasahang magkakaroon ng pangmatagalang epekto ang naturang P2.6-milyong proyekto sa mga kabataan at pamilya sa Lamitan City, patungo sa isang mas makulay at nagkakaisang komunidad.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng mas malawak na mandato ng MPOS na maisulong ang pagtatatag ng kapayapaan, pagkakasundo, at pagkakaisa sa loob ng Bangsamoro region. (Majid Nur, Bai Omairah Yusop/ BIO na may ulat mula sa MPOS)