Cotabato City (Mayo 11, 2020)— Kasalukuyang ikinukonsidera ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education ng Bangsamoro Government (MBHTE-BARMM) ang panukalang ‘Distance Education’ o ‘Online Learning’ para sa school year 2020-2021.
Ito ay matapos magsagawa ang mga opisyales ng Department of Education (DepEd) ng mga serye ng pagpupulong upang maitatag ang “the new normal” o makabagong pamamaraan ng pamumuhay sa banta ng pandemyang Coronavirus Disease (Covid-19).
Sa isang pahayag noong Mayo 9 sa Radyo Bangsamoro, sinabi ni MBHTE Chief of Staff Atty. Haron Meling na “patuloy pa rin ang isinasagawang konsultasyon upang mapakinggan ang mungkahi ng kapuluan para sa ibat-ibang pamamaraan na naaangkop sa sitwasyon natin katulad ng Distance Education”.
Dagdag pa nito, noong Marso 2020, may nauna nang limang sesyon ang Management Committee Teleconference ang DepEd, kung saan ang Learning Continuity Plan (LCP) ay kabilang sa mga hakbang na gagawin upang mas maging accessible ang mga mag-aaral na nakatira sa probinsya.
Ayon sa opisyal na pahayag ng DepEd, kabilang sa LCP ang key features sa K-12 curriculum adjustments; pagkakahanay ng learning materials; various modalities of delivery tulad ng teleconferencing or virtual classroom; at kaukulang pagsasanay sa guro at magulang/guardian para sa makabagong ‘homeschooling’ o pag-aaral sa tahanan.
Iminungkahi rin ni Atty. Meling na dahil ang ilang mga liblib na lugar ng Bangsamoro Region ay walang internet services, ang komite ay nag-isip ng alternatibong paraan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng ‘downloadable class files’ o ‘ready-to-print’ na materyales para sa mga estudyante.
Sa kabila nito, nagsagawa rin si MBHTE – BARMM Minister Mohagher Iqbal ng isang regional LCP survey meeting kasama ang pinuno ng Schools Division Superintendent ng Maguindanao 1 at 2, at iba pang schools district supervisor, alinsunod sa LCP national survey ng Commission on Higher Education (CHED) noong Biyernes, Mayo 8, 2020.
Ang nasabing pagpupulong ay kabilang sa pagsisikap na ginagawa ng tanggapan sa pagsasaayos sa bagong estado ng Philippine Educational System sa gitna ng krisis dulot ng Covid-19.
“Ang MBHTE-BARMM ay nagpasya na sa darating na Agosto 24 ang pagbabalik sa eskwela at magtatapos sa darating na Abril 2021,” ani Atty.Meling.
Ayon pa sa kanya, ang mga bagong lisensyadong guro ay magsisimula sa kanilang trabaho sa darating na Hunyo 1, ito ay maaring pisikal o online. (Bureau of Public Information)