BONGAO, Tawi-Tawi – Naging mas espesyal ang selebrasyon ng 5th Bangsamoro Foundation para sa mga manggagawa sa sektor ng edukasyon nang pasinayaan ng Ministry of Basic, Higher, and Technical (MBHTE) ang bagong-tayong 2-storey schools division office building.
Noong ika-23 ng Enero ay pinangunahan ni MBHTE Director General for Basic Education Abdullah Salik Jr., na kumatawan kay Minister Mohagher Iqbal, ang ribbon-cutting ceremony ng pasilidad na nagkakahalaga ng P38-milyon.
Dinaluhan ni Officer-in-Charge Schools Division Superintendent Dr. Lermalyn Sanggogot ang naturang okasyon kasama ang ibang opisyal mula sa MBHTE regional office, Provincial Government of Tawi-Tawi na nirepresenta ni Provincial Administrator Mobin Gambal, at mga bisita mula sa iba’t ibang ahensiya.
Samantala, binigyang-diin ni DG Salik sa kanyang mensahe ang commitment ng Bangsamoro Government sa pagpapaunlad ng komunidada sa pamamagitan ng mga inisyatibang nilalayong mapabuti ang mga lokal na imprastraktura at pang-edukasyong pasilidad.
Mas kuminang ang dedikasyon ng MBHTE sa pagbibigay nito ng bagong office building para sa Schools Division ng Tawi-Tawi na makikita sa Barangay Sowangkang. Naging mas makabuluhan ito sapagkat nasa 40-taon nang nakatayo ang kasalukuyang office building.
Nakatakda namang lumipat ang MBHTE Tawi-Tawi sa kanilang bagong opisina ngayong buwan, kasabay ng kanilang paghahanda para sa nalalapit na Provincial Meet.
Ang bagong pasilidad ay nagsisilbing testamento ng commitment ng Ministry na makapagbigay ng kalidad at holistic na edukasyon para sa lahat upang matiyak ang magandang kinabukasan para sa mga mag-aaral at guro at maitaguyod ang slogan na “No Bangsamoro learner left behind”.
Nakahanay sa 12-point priority agenda ni Chief Minister Ahod Ebrahim ang pagpapatayo ng bagong office building. (Laila Aripin, Bai Omairah Yusop/BIO)