COTABATO CITY — Namayagpag ang talento ng mga kabataang Bangsamoro sa ginanap na 11th BIMP-EAGA (Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines-East ASEAN Growth Area) Friendship Games 2024 sa Puerto Princesa City, Palawan, mula December 1-5, 2024.
Nagtipon-tipon sa kaganapang ito ang mga atletang mula sa Brunei, Indonesia, Malaysia, at Pilipinas.
Nagpaabot ng pagbati ang Bangsamoro Government sa mga nanalong kalahok mula sa rehiyon sa pamamagitan ng Bangsamoro Sports Commission (BSC) at Bangsamoro Youth Commission (BYC). Humakot ng walong medalya ang atletang Bangsamoro-kabilang dito ang isang ginto, tatlong pilak, at apat na bronseng medalya na nasungkit nila mula sa iba’t ibang kompetisyon.
Mga Atletang Nanalo ng Medalya:
Gold: Erika Said (Pencak Silat, Bebas Solo Creative Female)
Silver: Alrasheid Bara (Pencak Silat, Bebas Solo Creative Male), Sharmaine Balabul (Pencak Silat, Seni Tunggal Female), Shiela-Mae Usman at Nurpaina Juripae (Pencak Silat, Ganda Female)
Bronze: Nasrifah Esmayaten, Areej Andamun at Sherry Valdez (Karatedo, Women’s Team Kata), Dayang R-Yahada Mahadali, Fatima Leanndra Mae Tackong at Rheanna Mae Tackong (Pencak Silat, Seni Regu Female), Aljhomer Jimlan at Omar Nasul (Pencak Silat, Seni Ganda Male), Aljibar Abdu, Alwalid Ahajan at Bohenmian Rhapsody Tackong (Pencak Silat, Seni Regu Male)
“Labis na ipinagmamalaki ng BSC ang kanilang tagumpay sa nagdaang Friendship Games, lalo na’t ito ang kauna-unahang pagkakataon na lumahok ang BARMM. Patunay ito ng lumalaking pagkakaisa at lakas ng rehiyon sa pamamagitan ng palakasan,” ayon sa BSC.
Samantala, sinabi ng BYC na ang mga natatanging atletang ito, na nagmula sa iba’t ibang probinsya ng BARMM, ay hindi lamang nagpakita ng kanilang walang pagod na dedikasyon at pagmamahal sa palakasan, kundi nagdala rin ng malaking karangalan sa buong rehiyon ng Bangsamoro.
“Ang kanilang kahanga-hangang tagumpay ay nagsisilbing inspirasyon para sa mga susunod na henerasyon na may kaparehong ambisyon sa larangan ng sports,” ayon sa post ng BYC.
Ang susunod na BIMP-EAGA Friendship Games ay gaganapin sa Malaysia. (Kasan Usop, Jr./Norjana Malawi/BIO with reports from BSC/BYC)