COTABATO CITY – Halos isang taon na ang nakalilipas nang hagupitin ng Bagyong Paeng ang Barangay Kusiong sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Nagmistulang bangungot para sa mga residente ang naranasang sakuna, kabilang dito si Juanita Mariano at ng kanyang pamilya, na mahimbing na natutulog noong tumama ang bagyo gabi ng ika-27 ng Oktubre 2022.
Sa pagkukuwento ni Mariano tungkol sa trahedya, sinabi niyang napansin nila na ang unang senyales ng bagyo ay ang unti-unting pagpasok ng baha sa kanilang tahanan habang ang kanyang mga anak ay mapayapang natutulog.
“Bumagsak na yung tubig na may kasamang rumaragasang bato,” pagbabahagi ni Mariano. Sinabi niyang taimtim siyang nagdasal ngunit tila mabilis na lumala ang sitwasyon.
“Sa panahon na ‘yun, hindi ko talaga makakalimutan. Itong paa ko nabagsakan ng aparador tapos naanod talaga ako at natabunan na ako ng maraming yero,” kwento ni Mariano habang ipinapakita ang peklat sa kanyang kaliwang binti, tandang iniwan ng trahedya.
Ang kanyang pamilya, na kabilang sa tribung Teduray, ay ligtas naman subalit nawalan sila ng tahanan at ng motorsiklo (payong-payong) na kanilang ginagamit bilang mapagkakakitaan.
Matapos ang sakuna ay panandalian silang nakitira sa kanilang mga kamag-anak sa Barangay Malagapas sa loob ng dalawang buwan habang nagpapagaling sa kanyang mga sugat si Mariano.
Si Mariano, 52, ay dating tindera sa isang canteen sa Kusiong Elementary School. Nagpaabot siya ng pasasalamat sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education – Technical Education and Skills Development (MBHTE-TESD) sa pagtuturo sa kanya ng bagong kasanayan, partikular sa food processing, na nakatulong para sa kanilang muling pagbangon.
“Sa ngayon medyo nakakabawi na kami sa tulong na bigay ng TESD […] at pagkatapos na pagkatapos ko magtraining ng food processing nagagamit ko na ito,” pahayag niya.
Aniya, ang bagong pag-asang ito ay nagbibigay ng bagong buhay sa mga nakaligtas sa Bagyong Paeng.
Noong nakaraang ika-11 ng Oktubre, kabuuang 65 indigenous people (IP) na mga biktima ng bagyong Paeng ang tumanggap ng sertipiko matapos nilang makumpleto ang tech—voc training mula sa MBHTE-TESD na sumaklaw sa mga kurso ng dressmaking, cookery, at food processing. Maliban pa rito, nakatanggap din sila ng support fund allowance.
Binigyang diin ni MBHTE-TESD Maguindanao Procincial Director Salehk Mangelen na ang mga IPs ay kabilang sa mga prayoridad na mabahagian ng kasanayan na kanilang kinakailangan.
“Isa po ito sa agarang tugon ng MBHTE na mabigyan agad-agad ng tulong ‘yung ating mga kapatid na IPs na nasalanta ng bagyong Paeng,” sinabi ni Mangelen.
“Kami ay naniniwala na sa pamamagitan ng skills training program ay kahit papaano ay makatulong kami na mai-angat ang inyong pamumuhay,” dagdag niya.
Sa ilalim ng liderato ni Chief Minister Ahod Ebrahim, prayoridad ng Bangsamoro Government ang pagtataguyod ng katatagan sa mga komunidad na apektado ng mga sakuna. Matapos ang pananalasa ng Bagyong Paeng, ora mismo ang pagbuhos ng tulong mula sa regional government. Sa loob lamang ng ilang linggo, kaagad na nasimulan ang early recovery plan para sa mga biktima. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)