Cotabato City (Mayo 12, 2020)—Ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education ng Bangsamoro Government (MBHTE-BARMM) ay magbibigay ng emergency relief assistance allowance (ERAA) na nagkakahalaga ng Php10,000.00 sa bawat manggagawa nito, kasama ang mga guro at non-teaching personnel sa buong rehiyon.
Kabilang sa mga makakatanggap ng ERAA ang regional office employees and staff, teaching personnel, non-teaching personnel, at division personnel (regular/permanent) na nasa serbisyo mula Abril 1, 2020.
Ayon sa advisory na inilabas ng MBHTE-BARMM noong Mayo 11, ang pagbibigay ng ERAA ay alinsunod sa Memorandum Order No. 270 series of 2020 na inilabas ng Office of the Chief Minister (OCM) ng Bangsamoro Government noong Abril 27.
Nakasaad sa nasabing memorandum na ang bawat ministro at opisina ng BARMM ay kailangang magbigay ng ERAA sa bawat empleyado nito nang hindi lalagpas sa Php10,000.00 bilang pandagdag sa kanilang mga insentibo, lalo na ngayong may kinakaharap na krisis dahil sa pandemyang Covid-19 .
Nakasaad din dito na ang ERAA ay kukunin sa ‘Personnel Services Allotments at Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng bawat ministro.
Bukod pa rito, ibibigay din ng MBHTE-BARMM ang mid-year bonus ng mga kwalipikadong guro at non-teaching personnel, pati na rin ang kanilang mga sahod bago pa man matapos ang buwan ng Mayo. (Bureau of Public Information)