PARANG, Maguindanao del Norte – Namahagi ng shelter kits at mahahalagang kagamitan ang Ministry of Human Settlements and Development (MHSD), sa pakikipagtulungan sa Catholic Relief Services (CRS), sa 37 pamilya sa Barangay Pinantao, Parang, na ang mga tahanan ay lubhang napinsala ng Typhoon Carina noong ika-9 ng Hulyo.
Bawat pamilya ay nakatanggap ng mga mahahalagang kagamitan sa bahay kabilang ang mga banig, flashlight, kumot, plato, baso, kaldero, at kawali. Bukod pa rito, nabigyan din sila ng shelter kits na naglalaman ng tarpaulin, isang martilyo, lubid, at sari-saring pako.
Nagbahagi naman ng kanyang karanasan si Zaika Baguio, 28-taong gulang na residente, at ipinaliwanag na ang kanyang bahay ay nasira ng flash flood habang siya ay nagsasagawa ng census sa mga kalapit na barangay.
“Walang natira; lahat ay tinangay ng baha,” sinabi niya. Nagpasalamat din sya sa BARMM government para sa pagtulong nito at binigyang-diin ang kasalukuyang pangangailangan para sa karagdagang suporta.
Pinangunahan ni MHSD Director General Esmael Ebrahim, MHSD Director II for Operation and Management Services Salem Demuna, at CRS Senior Project Officer James Baay ang isinagawang distribusyon.
Ayon kay Ebrahim, pinangangasiwaan ng MHSD ang shelter clusters sa ilalim ng Bangsamoro Disaster Risk Reduction Management Council (BDRRMC) at nagsisilbing housing arm ng Bangsamoro Government.
“Ang ministry ay may mandatong tutukan ang resettlement program. Gagawin natin ang lahat ng makakaya natin upang matulungan ang mga apektadong pamilya at tayo ay nagdarasal at umaasa na mabigyan sila [housing unit] Inn Shaa Allah,” pahayag ni Ebrahim.
Samantala, nag-anunsyo naman si Baay mula sa CRS na may karagdagang 300 pamilya sa Matanog ang makatatanggap ng parehong tulong ngayong buwan.
Ang CRS ay isang international humanitarian organization na nakatuon sa climate change adaptation, community-based savings, disaster risk reduction, emergency response, mga tahanan at komunidad, pagkakaisa ng lipunan at hustisya, at pagpapalakas sa mga kababaihan at Kabataan. Sa loob ng tatlong taon ay nakikipagtulungan ang CRS Philippines sa MHSD upang masuportahan ang komunidad ng Bangsamoro. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO)