MAGUINDANAO DEL SUR – Inanunsyo ng Ministry of Health (MOH) ang kanilang commitment na sasagutin ang lahat ng gagastusin sa pagpapagamot ng mga biktima ng pagbaha sa mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, at Lanao del Sur.
Ang inisyatibang ito ay nasa ilalim ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIPP) ng ministry, na layuning masuportahan ang mga komunidad ng Bangsamoro sa oras ng anumang nararanasang krisis.
Sinabi ng MOH na lahat ng mga na-admit na pasyente mula sa mga apektadong lugar ng LDS, MagNorte, at MagSur ang pwedeng mag-avail ng komprehensibong hospital fee coverage (hindi kasama ang doctor’s fees) sa anumang accredited hospital.
Pinalawig din ang tulong na ito sa mga residente ng Pagalungan, Datu Montawal, at sa Special Geographic Area (SGA) na na-admit sa anumang accredited hospital sa loob ng Cotabato, Midsayap, at Kabacan.
Kamakailan lamang ay nilagdaan ng MOH ang isang memorandum of agreement para sa paglalaan ng kabuuang halagang P5.5-milyon sa apat na partner hospital nito sa ilalim ng MAIFIPP.
Nakatanggap ang Cotabato Sanitarium General Hospital ng P1-milyon, P2-milyon ang natanggap ng AppleOne Brokenshire Medical Cooperation, P1-milyon naman sa Midsayap Doctors Specialist Hospital, at P1.5-milyon para sa Camp Siongco Station Hospital. Ang mga ospital na ito, kahit pa hindi direktang nasa ilalim ng pangangasiwa ng BARMM government, ay may ginagampanang mahalagang papel sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan sa mga mamamayang Bangsamoro. (Myrna Tepadan, Bai Omairah Yusop/BIO na may ulat mula sa MOH)